Showing posts with label LDR lovin'. Show all posts
Showing posts with label LDR lovin'. Show all posts

06 February 2013

Takutan, tanungan, tanawan

Nakakatawa at nakakaaliw talaga ang social media at kung paano nito nadodokumento pala ang buhay-buhay mo nang di mo nalalaman. Lalo na ang lovelife mo, na nate-trace mo mula sa downloadable Twitter archive hanggang sa mga inbox messages mo sa Facebook kung saan nakikita mo ang simula at huli ng usapan ninyo ng isang nilalang mula nang magsimula kayong maging konek sa espasyong iyon.

At iyon na nga ang nakakatawa at nakakatuwang rebyu na naganap sa buhay ko nitong nakaraang mga araw. Muli kong nakahuntahan sa FB ang babaeng sinugalan ko ng puso noong nakaraang taon at naisip ko lang i-scroll pataas ang aming usapan. At ayan na nga, tumambad na ang mga sinauna naming palaisipan sa isa't isa sa larangan ng pagasasama ng buhay at sa desisyong papalawigin namin at patatatagin namin ang samahan naming malayo sa isa't isa sa pisikal na distansiya lamang.

Nalimutan ko nang takot nga pala kami sa isa't isa noong simula. Na kung gaano daw ako katakot sa kanya, 10x ang takot na iyon sa kanya para sa akin naman. Dahil sa kakaunting pagkakataong maipakita at maiparamdam namin sa isa't isa ang aming tunay na katauhan, pagkatao at pagiging makatao, nakaabang kami lagi sa mga teknolohiyang nagtatawid sa amin sa piling ng isa't isa. At doon din naman namin nakita ang isa't isa, kahit papaano. Dedma na sa takot-takot na iyan. Dala na rin kasi 'yan marahil ng kanya-kanyang back story namin na hanggang ngayon ay bitbit pa namin, ang ilang kalunos-lunos na kaganapan sa kanya-kanyang scoreboard ng lovelife. Sino ba naman kasi ang gusto pang masawi muli, ang madurog ang puso muli, ang mawasak ang tiwala muli? Wala naman yata. Kaya talagang may takot kahit saang anggulo, papasok at papasok iyan.

Marahil ay nalampasan na namin ang kaba at kabog ng dibdib, ang takot ay napalitan na ng pananabik, ang pagmamahal ay nariyan pa rin. Siyempre hindi perpekto ang ilang mga pangyayari at may mga pagkakataong nagkakaroon talaga ng misunderstanding. Natural naman iyon sa anumang relasyon. Pero mas importante siguro na nakabawi naman kami sa mga pagsubok na iyon, at sana makabawi pa kami sa mga darating pang pagsubok, kung meron mang darating.

Katabi ko siya nang kunan ko ito. Kinagabihan, kami na. 
[February 2012 Singapore]

Mag-iisang taon na rin pala mula nang nagdesisyon kaming maging kami. Desisyon talaga siya, dahil may mga kailangang iproseso sa kanya-kanya naming buhay bago kami magsimula. Lagi namang ganun ang simula, di ba? Proseso, estimahan, tanungan. Tanong na nabibigyan naman ng mga sagot.

Siyempre, iba minsan 'pag ang bulto ng relasyon ay nakasalalay din sa tanawan lang -- na tinatanaw namin ang buhay ng isa't isa sa pamamagitan ng mga bintanang binubuksan dito sa kalawakan ng internet. Meron na ring pagkakataong marami siyang nais itanong dahil sa mga natatanaw niya sa bintana ko, at ako rin naman ay may mga nais itanong dahil sa mga natatanaw ko sa bintana niya. Mga komento, hirit, usapan ng ibang tao sa akin, sa kanya, paano nga ba ang pagbasa namin ng ganun? Minsan, mali ang pagbasa. Minsan, kami-kami na lang ang naglalagay ng mga meaning sa nababasa namin, minsan napapraning kami sa mga nababasa namin. Sadya namang ganun -- natatakot ka sa mga nababasa mo. Pero kadalasan naman, nalilinawan kami sa mga nababasa namin kapag nagkaroon kami ng pagkakataon -- at lakas ng loob -- na tanungin ang bawa't isa sa mga nababasa namin. Lumilinaw na ang lahat pagkatapos.

Ganito na siguro ang bagong hitsura ng makabagong pakikipagrelasyon. Gumagamit na ng teknolohiya sa pagtanaw, walang katapusang tanungan, at siyempre, ang di nawawalang takot -- takot na baka magsawa siya sa iyo at magbago ang isip niya, takot na baka muli siyang sinusuyo ng mga ex niyang mas malalim ang naging koneksyon nila bilang dalawang tao, takot na baka mas gusto niyang bumalik sa dating tao sa buhay niya, takot na baka ayaw na niya muna ng kasama sa buhay sa ngayon, takot na ayaw niyang maging bahagi ka ng pamilya niya, at kung anu-ano pa. Ganun din siguro tayong mga tao sa ngayon -- marami tayong kinatatakutan, marami tayong kailangang lampasan, at marami tayong kailangan pang ayusin. Kaya minsan, kung anu-ano ang nakikita, naiisip at nalalagyan natin ng meaning kahit minsan ay wala namang meaning. Natural lang siguro ang magkaroon ng mga ganito - takot, tanong, tanaw.

Isang taon. Gusto ko nang talunin ang isang taon pa. At isa pa. At marami pa. Dedma na lang sa takot sa dibdib ko. Kung anuman ang mangyari, inaasam ko lang na sana ay magkasama na kami sa iisang espasyo, o sa magkalapit na espasyo, para mabawas-bawasan na ang mga takot na iyan, at mapaigting pa ang maaalab na samahan. Para din maalagaan ko siya tulad ng nais niyang gawing pag-aalaga sa akin, lalo na kapag may sakit ang isa sa amin, tulad niya ngayon. Sana lang ay may kakayahan akong puntahan siya para arugain. Pero dahil nga sa wala, nakaabang lang ako at nagmamanman, nakatanaw, at dumadalangin na sana'y umayos na ang kalagayan niya.

Pansamantala, tuloy pa rin ang kanya-kanyang buhay, busy-busy-han mode, pero siyempre di pa rin mawawala ang pag-aalala. At siyempre, di mawawala ang pagpaparamdam na, kahit anuman, narito lang ako, nakaabang.

At nagmamahal pa rin.

22 December 2012

Kapag naka-standby ang buhay

Alam mo ba 'yung pakiramdam na naka-standby ang buhay mo? Pilipino ka kaya oo, dapat alam na alam mo ang ibig sabihin ng standby, at dapat intinding intindi mo ang naka-standby na buhay. Kasi madalas sa buhay nating mga Pinoy, napu-put on standby tayo kahit ayaw natin. At dahil nga sa Pinoy tayo, hinahayaan na lang din nating ma-put on standby tayo. Ewan ko ba. Tayong mga Pinoy, magulo minsan. Madalas pala.

Standby na naman ang buhay habang sinusulat ko ngayon ito, Sabado bago mag-Pasko, sabi nga ni Senator Pia Cayetano sa Twitter, na nung tinanong niya kung ano ang ginagawa ng mga utaw sa Sabadong ito, sabi ko ayun, naka-standby ang buhay nga kasi may mga 20+ na na-bump off sa Jakarta-Manila flight kaninang madaling araw dahil ang lecheng flag carrier ng Pilipinas ay nag-overbooking ng tickets. Naubusan sila ng upuan sa plane doon. NKKLK di ba? Puwede pala 'yun? Sa tagal ko nang nagta-travel, ngayon ko lang na-encounter ang phenomenon na ito.

Kaya ang ending, napa-standby ang mga kawawang Pinoy na iyon na sabik na sabik nang umuwi sa Pinas, na ang tagal nang naka-standby sa airport pero nakalipad na ang eroplano at lahat, ayun, naka-standby pa rin. Sabi sa kanila, bukas na ang lipad nila. Kaya mas umigting ang pag-standby ng buhay sa araw na ito.

Kasabay akong naka-standby sa isa sa mga Pinoy na iyon. Iyon kasi ang pinaka-standby ng buhay ko ngayon. Iyon 'yung mahal ko. Na sa ikli na nga lang ng panahong ilalagi niya dito ngayong bakasyong Pasko, iikli pa yata lalo dahil sa PALpak ng PAL na iyon. Buong araw ko halos binantayan ito, sinabayan ko siya. Kahit umidlip na siya sa airport, dilat akong nagtatatawag at naghahanap ng paraan kung ano ang puwedeng gawin. Pero kahit ang mga nagrereklamo dito ay naka-standby pa rin sa mga magbibigay daw ng authority doon. Standby. Walang katapusang standby ito, magbe-bente kwatro oras na. Sana naman ay maayos na ang lipad niya bukas, dahil naka-standby na rin ang mga mahal niya sa buhay sa kanilang bahay, sabik na makita siyang muli matapos ang halos apat na buwan.

Siyempre doon muna siya bago ko siya makita. Kaya ako, standby din ang moda ko ngayong Pasko. Medyo naging tampulan nga ng konting friction sa amin ito mga ilang linggo na rin ang nakaraan. Nakaramdam kasi ako bigla ng pagsipa ng prioritization. Bunsod na rin kasi ito ng taunang pakiramdam ko tuwing panahong ito -- na kung matagal ka nang nagbabasa nito o kilala mo na ako, hindi kasi talaga kaaya-aya sa akin ang buwang ito madalas, lalo na 'pag patapos na ito. Oo, di ko na yata talaga maaalis ang pagka-Scrooge ko. At ang kapaskuhan ang tila pinakamalungkot na panahon lagi para sa akin. Pero nalampasan naman namin ang friction na iyon kahit papaano; bawi na. Pero ang pinaka-sumatutal lang naman talaga niyan ay kasi sabik siguro kaming makita ang isa't isa dahil sa miss na miss na namin ang isa't isa, tulad ng sabi ng Bob Ong tweet na ni-retweet niya matapos ang aming "spat."

Nagulat ako sa sarili ko dahil nagkaroon ako ng lakas ng loob at dagdag na pagtulak na lampasan ang kalungkutang ito, na taunang bumibisita sa panahong ito. Para sa kanya, kaya ko pala itong gawin. Sabagay, kapag may ibang pinagtutuunan ng pansin ang puso ko, nawawaglit talaga ang kalungkutan ng panahong ito, in varying degrees. Dati, medyo bumaba na. Tumaas ulit. Tapos ngayon na, nag-agaw-buhay at ngayon, nalampasan na. Salamat sa kanya. Kaya okay na iyon, okay na ko. Wala namang prublema kung naka-standby ako sa kanya. Simula pa lang, alam ko namang ganito talaga ang magiging moda ng buhay namin sa ngayon. Kaya tinanggap ko na siya nang walang protesta.

Pero dahil nga sa naka-standby lang ako sa maibibigay niyang oras sa akin sa panahong ito, kailangan kong aliwin ang sarili ko dito sa lungga ko. Iba rin kasi 'yung may inaabangan ka pero di ka rin masyadong pilit naghihintay. Less expectations 'ika nga. Kaya kung anu-ano na namang pag-aayos at/o pagliligpit ang ginawa ko, kung anu-anong pagtatapon ng mga gamit at kung anu-anong pagbili ng mga makasalanang bagay na ilalagay ko sa loob ng katawan ko sa kahabaan ng bakasyong ito. Tutal sanay na naman ako sa modang ganito sa panahong ito kaya parang walang bago. Ang bago lang ay ang naka-standby ako na makapiling siya.

 Scrooge still shops, sometimes. 
At naka-standby lang din ang mga 
biyaya ko sa kanya at sa mga biyaya niya.


Grabe, ang sakit ng katawan ko. Siguro doble nito ang sakit ng sa kanya. Meron pa kasi siya. Kaya hinihinay-hinayan ko na rin ang pakikisabay ng mataas na emosyon lalo na kaninang kritikal na mga oras ng sapilitang pag-standby sa kanila doon ng PALpak. Hindi rin ako halos natulog. Nakaidlip lang ako ng konti nung nakaidlip na rin siya pagbalik sa bahay niya. Patuloy ko pa ring tinulungan siya sa paghahanap ng mga impormasyong maaaring maging solusyon sa mga bagay na naapektuhan ng delay ng pag-uwi niya. At naka-standby din ako kung may nais pa siyang sabihin. Alam kong inaayos na rin niya ang mga naantala sa kanya at sa pamilya niya ngayon kaya naka-standby lang din ako kung sakaling kailangan niya ako. 

Ang mga katropa ko sa paghihintay. 
Naka-standby lang din sila sakaling 
kailanganin ko sila ng lubos. As always.

If this is how life is going to be right now, that's fine. I don't mind. Making hugot from one of my most favorite films of all time na quotes, sabi nga, if this is life right now, if this is as good as it gets, then I'm okay with it. 

Makalipad lang siya bukas, kampante na ko. So please, universe, conspire some more, for her sake. And ours.

07 August 2012

aruga at alaga ldr style

Mababaw akong nilalang. Simple lang ang mga bagay na nakakapagpaligaya sa akin, 'yung tipo ng ligayang kinikilig ka at magkakaroon ng warm feeling sa heart mo. Isa na doon 'yung simpleng pagmemensahe sa akin ng mahal ko ng kanyang abisong pang-alaga.

wag ka na maglalalabas, maulan

Mga ganyang simpleng mensahe lang. Lalo na sa nangyayari ngayon sa Maynila, na ilang araw nang walang humpay na umuulan. Binabaha na nga ang ilang parte ng mga tirahan dito kaya mga mensahe ng pag-aalala ang pinapadala niya. Mga tanong kung may kandila na ba ako dito (meron pa), mag-charge na ng cellphone (keri na), mga ganyan. 

Minsan naman, sa maliliit na daily things niya ito pinapakita sa akin.

teka, kumain ka na ba

Alam niya na kasi ang habits ko kaya pinangangalagaan niya ako. Pati sa lagi kong nababanggit sa twitter, lagi niyang ramdam kung masama ang pakiramdam ko, 'yung hindi health-related pero soul-related. Ganun na siya ka-plugged sa akin. Grabe lang. Surprising, at nakakatuwa minsan. At nakakatuwang maramdaman muli ang ganitong klase ng aruga mula sa isang nilalang. I never realized that I missed this.

Mas mahalaga ang bawa't kibot ng care na ganito dahil sa long distance ang relasyon kasi namin pati. O kaya kung andito siya sa bansa, andoon siya sa kanila siyempre pero ganun pa rin ang mga mensahe niya -- mga mensahe ng pag-aalaga at aruga. Tulad na lang nung isang beses kong sinabing dadalo ako ng get-together na may inuman at kuntodo paalala siya na 'wag ako iinom na sobra sa kaya ko, ganun. Na kapag nalabag ng slight ay syempre makukudaan ako hehe. Pero kahit 'yun, natutuwa akong marinig. 

O baka naman nasa honeymoon stage pa rin kami kaya natutuwa ako sa mga ganun. Pero hindi rin. Parang mas narapido ang honeymoon stage sa relasyon namin kaya 'yung usual 6-month probation period ay nalipasan na namin in less than six months. Sabi nga niya noong Abril, parang matagal na naming kilala ang isa't isa sa lebel ng interaksiyon namin noong mga panahong iyon. Na para sa akin, rare. Minsan kasi, may pagkakataong matagal mo nang kasa-kasama ang isang tao pero nariyang nauna na siyang inlab sa 'yo tapos ikaw pinag-iisipan mo pa. Pero dito, mutual eh. Ewan. Basta. Ganun.

Kung anuman, ayus lang. Sadyang natutuwa lang siguro ako na maalagaan nang ganung lebel ulit sa buhay ko, na mas sobra-sobra pa nga yata ngayon kesa sa mga iba sa nakaraan. Parang ganun. Oo, puwede na sigurong mag-compare ng past and present pero base lang sa lessons learned, hindi sa maliliit na mga bagay. Hm come to think of it, baka nga dapat sa maliliit na bagay, kasi dito mas tumatatak ang pagkatao, na kapag pinagsama-sama ang maliliit, nagiging malaki ang impact. Parang ganun. Eh sa ngayon, parehong meron mula sa kanya -- maliliit na effort, at saka malalaking effort. Kaya ayun, jackpot 'ata ang lola mo. So far, so right.

[insert buntong hininga here, not a sigh but a sigh of utter relief, relief that you're in good hands this time]

Maulan, kaya kung anu-ano na naman ang naiisip ko na gusto kong ibahagi dito. Pero bakit ba. Lugar ito na sinusubukan kong punuin ng pagmamahal din, at iba pa tungkol sa buhay kaya heto, binabasa ninyo. Wala, natutuwa lang ako sa naramdaman ko kanina kaya gusto ko lang na mahawa ang mambabasa sa tuwa rin, di sa nang-iinggit pero spreading the goodwill and joy lang ang peg kumbaga. Kaya heto na iyon. Ilang kislap ng kalooban sa maulang gabi.



Sana tumila na ang ulan.