Mababaw akong nilalang. Simple lang ang mga bagay na nakakapagpaligaya sa akin, 'yung tipo ng ligayang kinikilig ka at magkakaroon ng warm feeling sa heart mo. Isa na doon 'yung simpleng pagmemensahe sa akin ng mahal ko ng kanyang abisong pang-alaga.
wag ka na maglalalabas, maulan
Mga ganyang simpleng mensahe lang. Lalo na sa nangyayari ngayon sa Maynila, na ilang araw nang walang humpay na umuulan. Binabaha na nga ang ilang parte ng mga tirahan dito kaya mga mensahe ng pag-aalala ang pinapadala niya. Mga tanong kung may kandila na ba ako dito (meron pa), mag-charge na ng cellphone (keri na), mga ganyan.
Minsan naman, sa maliliit na daily things niya ito pinapakita sa akin.
teka, kumain ka na ba
Alam niya na kasi ang habits ko kaya pinangangalagaan niya ako. Pati sa lagi kong nababanggit sa twitter, lagi niyang ramdam kung masama ang pakiramdam ko, 'yung hindi health-related pero soul-related. Ganun na siya ka-plugged sa akin. Grabe lang. Surprising, at nakakatuwa minsan. At nakakatuwang maramdaman muli ang ganitong klase ng aruga mula sa isang nilalang. I never realized that I missed this.
Mas mahalaga ang bawa't kibot ng care na ganito dahil sa long distance ang relasyon kasi namin pati. O kaya kung andito siya sa bansa, andoon siya sa kanila siyempre pero ganun pa rin ang mga mensahe niya -- mga mensahe ng pag-aalaga at aruga. Tulad na lang nung isang beses kong sinabing dadalo ako ng get-together na may inuman at kuntodo paalala siya na 'wag ako iinom na sobra sa kaya ko, ganun. Na kapag nalabag ng slight ay syempre makukudaan ako hehe. Pero kahit 'yun, natutuwa akong marinig.
O baka naman nasa honeymoon stage pa rin kami kaya natutuwa ako sa mga ganun. Pero hindi rin. Parang mas narapido ang honeymoon stage sa relasyon namin kaya 'yung usual 6-month probation period ay nalipasan na namin in less than six months. Sabi nga niya noong Abril, parang matagal na naming kilala ang isa't isa sa lebel ng interaksiyon namin noong mga panahong iyon. Na para sa akin, rare. Minsan kasi, may pagkakataong matagal mo nang kasa-kasama ang isang tao pero nariyang nauna na siyang inlab sa 'yo tapos ikaw pinag-iisipan mo pa. Pero dito, mutual eh. Ewan. Basta. Ganun.
Kung anuman, ayus lang. Sadyang natutuwa lang siguro ako na maalagaan nang ganung lebel ulit sa buhay ko, na mas sobra-sobra pa nga yata ngayon kesa sa mga iba sa nakaraan. Parang ganun. Oo, puwede na sigurong mag-compare ng past and present pero base lang sa lessons learned, hindi sa maliliit na mga bagay. Hm come to think of it, baka nga dapat sa maliliit na bagay, kasi dito mas tumatatak ang pagkatao, na kapag pinagsama-sama ang maliliit, nagiging malaki ang impact. Parang ganun. Eh sa ngayon, parehong meron mula sa kanya -- maliliit na effort, at saka malalaking effort. Kaya ayun, jackpot 'ata ang lola mo. So far, so right.
[insert buntong hininga here, not a sigh but a sigh of utter relief, relief that you're in good hands this time]
Maulan, kaya kung anu-ano na naman ang naiisip ko na gusto kong ibahagi dito. Pero bakit ba. Lugar ito na sinusubukan kong punuin ng pagmamahal din, at iba pa tungkol sa buhay kaya heto, binabasa ninyo. Wala, natutuwa lang ako sa naramdaman ko kanina kaya gusto ko lang na mahawa ang mambabasa sa tuwa rin, di sa nang-iinggit pero spreading the goodwill and joy lang ang peg kumbaga. Kaya heto na iyon. Ilang kislap ng kalooban sa maulang gabi.
Sana tumila na ang ulan.
yihi! nilalanggam ang monitor ko o!....twistedhalo
ReplyDelete