At iyon na nga ang nakakatawa at nakakatuwang rebyu na naganap sa buhay ko nitong nakaraang mga araw. Muli kong nakahuntahan sa FB ang babaeng sinugalan ko ng puso noong nakaraang taon at naisip ko lang i-scroll pataas ang aming usapan. At ayan na nga, tumambad na ang mga sinauna naming palaisipan sa isa't isa sa larangan ng pagasasama ng buhay at sa desisyong papalawigin namin at patatatagin namin ang samahan naming malayo sa isa't isa sa pisikal na distansiya lamang.
Nalimutan ko nang takot nga pala kami sa isa't isa noong simula. Na kung gaano daw ako katakot sa kanya, 10x ang takot na iyon sa kanya para sa akin naman. Dahil sa kakaunting pagkakataong maipakita at maiparamdam namin sa isa't isa ang aming tunay na katauhan, pagkatao at pagiging makatao, nakaabang kami lagi sa mga teknolohiyang nagtatawid sa amin sa piling ng isa't isa. At doon din naman namin nakita ang isa't isa, kahit papaano. Dedma na sa takot-takot na iyan. Dala na rin kasi 'yan marahil ng kanya-kanyang back story namin na hanggang ngayon ay bitbit pa namin, ang ilang kalunos-lunos na kaganapan sa kanya-kanyang scoreboard ng lovelife. Sino ba naman kasi ang gusto pang masawi muli, ang madurog ang puso muli, ang mawasak ang tiwala muli? Wala naman yata. Kaya talagang may takot kahit saang anggulo, papasok at papasok iyan.
Marahil ay nalampasan na namin ang kaba at kabog ng dibdib, ang takot ay napalitan na ng pananabik, ang pagmamahal ay nariyan pa rin. Siyempre hindi perpekto ang ilang mga pangyayari at may mga pagkakataong nagkakaroon talaga ng misunderstanding. Natural naman iyon sa anumang relasyon. Pero mas importante siguro na nakabawi naman kami sa mga pagsubok na iyon, at sana makabawi pa kami sa mga darating pang pagsubok, kung meron mang darating.
Katabi ko siya nang kunan ko ito. Kinagabihan, kami na.
[February 2012 Singapore]
Mag-iisang taon na rin pala mula nang nagdesisyon kaming maging kami. Desisyon talaga siya, dahil may mga kailangang iproseso sa kanya-kanya naming buhay bago kami magsimula. Lagi namang ganun ang simula, di ba? Proseso, estimahan, tanungan. Tanong na nabibigyan naman ng mga sagot.
Siyempre, iba minsan 'pag ang bulto ng relasyon ay nakasalalay din sa tanawan lang -- na tinatanaw namin ang buhay ng isa't isa sa pamamagitan ng mga bintanang binubuksan dito sa kalawakan ng internet. Meron na ring pagkakataong marami siyang nais itanong dahil sa mga natatanaw niya sa bintana ko, at ako rin naman ay may mga nais itanong dahil sa mga natatanaw ko sa bintana niya. Mga komento, hirit, usapan ng ibang tao sa akin, sa kanya, paano nga ba ang pagbasa namin ng ganun? Minsan, mali ang pagbasa. Minsan, kami-kami na lang ang naglalagay ng mga meaning sa nababasa namin, minsan napapraning kami sa mga nababasa namin. Sadya namang ganun -- natatakot ka sa mga nababasa mo. Pero kadalasan naman, nalilinawan kami sa mga nababasa namin kapag nagkaroon kami ng pagkakataon -- at lakas ng loob -- na tanungin ang bawa't isa sa mga nababasa namin. Lumilinaw na ang lahat pagkatapos.
Ganito na siguro ang bagong hitsura ng makabagong pakikipagrelasyon. Gumagamit na ng teknolohiya sa pagtanaw, walang katapusang tanungan, at siyempre, ang di nawawalang takot -- takot na baka magsawa siya sa iyo at magbago ang isip niya, takot na baka muli siyang sinusuyo ng mga ex niyang mas malalim ang naging koneksyon nila bilang dalawang tao, takot na baka mas gusto niyang bumalik sa dating tao sa buhay niya, takot na baka ayaw na niya muna ng kasama sa buhay sa ngayon, takot na ayaw niyang maging bahagi ka ng pamilya niya, at kung anu-ano pa. Ganun din siguro tayong mga tao sa ngayon -- marami tayong kinatatakutan, marami tayong kailangang lampasan, at marami tayong kailangan pang ayusin. Kaya minsan, kung anu-ano ang nakikita, naiisip at nalalagyan natin ng meaning kahit minsan ay wala namang meaning. Natural lang siguro ang magkaroon ng mga ganito - takot, tanong, tanaw.
Isang taon. Gusto ko nang talunin ang isang taon pa. At isa pa. At marami pa. Dedma na lang sa takot sa dibdib ko. Kung anuman ang mangyari, inaasam ko lang na sana ay magkasama na kami sa iisang espasyo, o sa magkalapit na espasyo, para mabawas-bawasan na ang mga takot na iyan, at mapaigting pa ang maaalab na samahan. Para din maalagaan ko siya tulad ng nais niyang gawing pag-aalaga sa akin, lalo na kapag may sakit ang isa sa amin, tulad niya ngayon. Sana lang ay may kakayahan akong puntahan siya para arugain. Pero dahil nga sa wala, nakaabang lang ako at nagmamanman, nakatanaw, at dumadalangin na sana'y umayos na ang kalagayan niya.
Pansamantala, tuloy pa rin ang kanya-kanyang buhay, busy-busy-han mode, pero siyempre di pa rin mawawala ang pag-aalala. At siyempre, di mawawala ang pagpaparamdam na, kahit anuman, narito lang ako, nakaabang.
At nagmamahal pa rin.
No comments:
Post a Comment