11 February 2013

kapag ginising ka ng bukang-liwayway

Ano ang gagawin mo kapag ginising ka ng bukangliwayway?


Isang oras makalipas ang bukangliwayway. Kanina.


Isang oras at kalahati kang makikipagsapalaran sa pagbangon. Makikiramdam ka sa paligid. Ano ba ang kailangan mong gawin? Sapat ba ang tulog na pabaon ng umagang ito? Kung kulang, paano mo pupunan?

Kay raming tanong, gayong nagising ka lang naman ng maaga. Malayo sa itinakda mong oras ng pagbangon. Isa't kalahating oras habang sinusulat ko ito, ginising ako ng bukangliwayway. Kalahating oras mula ngayon ang itinakda kong oras ng paggising. Pero tila may iba yatang plano ang kalawakan para sa akin ngayong araw, ngayong linggo, ngayong buwan marahil, siguro hanggang sa buong taon, hindi ko alam. Basta ang alam ko lang, natulog akong sapilitan para mabura ang bigat na biglang naramdaman sa dibdib ko, pero parang nariyan pa rin siya pagkagising ko kanina. Hmm baka hindi nga bukangliwayway ang gumising sa akin kundi ang diwa kong nagkunwaring tulog. Baka nga.


Makigising na lang tayo sa umaga. Makigalaw tayo sa araw. Bumangon na ang mga nilalang sa paligid ko. Sana nama'y bumangon na rin kasabay nila ang pag-asang tila unti-unting bumibitaw sa aking pagkatao.


Galaw-galaw, sabi nga niya.

No comments:

Post a Comment