Tulad halimbawa nito, noong nagpapalit ako ng sapin sa mesa kung saan ako nagtatrabaho sa araw-araw ngayon. May malaki akong rainbow flag na pinabili ko pa sa kapatid ko sa California, ang alam ko, dahil matagal na ito at hindi pa uso ang Pride March bazaar nung bagong lipat ako dito sa condo ko mga 11 years na ang nakakaraan. Oo tama, 11 years, birthday ko sa espasyo ko nga pala ngayong buwan, dahil ito ang naaalala kong buwan ng turnover/paglipat ko dito: October 2008.
Archival kalkal:
Ang orihinal na espasyo ng tipahan, at ang ilang eksperimentong
paglaladlad ng bahagharing bandila sa may bintana.
Na may pakyut na mukhang butchy sa baba riyan ay
minor detail na lang. [Marikina life circa early 2010s]
Kaya mga late 2000s ko nakuha ang una kong malaking rainbow flag, na may kasamang rainbow peace flag din na sa sala ko nilalagay. Pinalaba ko muna itong peace flag dahil ten thousand years ko na siyang nakakalimutang ipalaba. Kaya sa lugar niya, dito ko nilagay muna ang isang magandang habi tapestry gawang Narda na nabili ko sa Baguio mga magsasampung taon na rin ang nakaraan.
Habi ng Narda sa Baguio, na sabi ng ilang kaibigan ay huwag
na raw suportahan dahil may labor issues ang kumpanyang kilala
sa ganitong larangan. Sana naman wala nang problemang ganun ano.
Sayang naman sila. Anyway, nabili ko ito mga 2011 yata
nung dumaan ako dun pabalik mula Sagada yata.
Sometimes memories fail me but life details remain etched
in my being. Puno siya, na rainbow-ish, kaya sakto
sa akin. [Marikina 2019]
May isa pa akong malaking pride flag na nabili ko naman noon sa Malate na Pride March. May entrepreneurial tomboys na gumawa ng booth sa Orosa-Nakpil na kanto kaya kumuha ako ng isa. Naaalala ko ang taong iyon dahil iyon ang unang tanong gamit ko ang DSLR kong bagong bili. Debut siya sa pride nun. Kaya magaganda din ang kuha ko sa taong iyon.
Archival kalkal:
Ito 'yung flag mula Malate, sa dati kong opisina sa Peyups
ko nilagay nung nagtuturo pa ko doon. Bago mag-Xmas party ito,
cowboy daw costume ng departamento namin kaya ayan,
Brokeback Mountain ang peg. [UPFI circa early 2010s]
Tapos mga dalawang Pride March ago yata, basta nung unang sampa sa Marikina ng parada, bumili ako ng lesbian pride flag naman. Ito 'yung gradations of pink na flag. Nilagay ko rin kasama ng habing Baguio. Sila muna ang nasa pader ko sa sala-kusina.
Tanaw ng pahingang mapayapa sa diwa. [Marikina 2019]
Tapos ngayon, eto nga. Naghahanap ako ng puwedeng sapin sa mesa, at naisipan kong gawin itong pride flag bilang tablecloth. Ito ang sinasabi kong "Puwede naman pala" kaya ayan na siya. Sa mga napagpilian, isa ang nailagay, at itinago muli ang isa. May mas maliit kasi akong rainbow flag na binili din sa Marikina Pride March kaya ito ang nakasabit sa Rainbow Writing Room ngayon. Kaya ibang gamit muna ang mga dati.
Kaya kadalasan, hindi naman kailangang gumastos at bumili nang bumili. Kapag nagdadaan ako sa mga mall sa bandang house stuff, nakaka-tempt kasing bumili nang bumili ng mga bagong bagay, mga magagandang disenyo, o mga bagong gamit. Pero minsan, ang mga lumang gamit ay may gamit pa rin naman, kaya di rin sila dapat agarang tinatapon o tinatago lang. Minsan, kailangan mo lang sigurong magkalkal ng mga natatagong bagay-bagay sa mga sulok ng kabinet o lalagyan, at may makukuha kang kung anu-ano na puwede mo pang gamitin sa buhay.
A gathering of Puwede Pa stuff in life.
Rearrange. [Marikina 2019]
Siyempre, marami ka na ring mga bagay na puwede nang itapon, dahil hindi na sila puwedeng gamitin pa sa kung anumang kadahilanan. O ayaw mo na silang nasisilayan pa.
Hindi dahil sa "puwede na" ang napipili mo ay mababaw na ang kaledad ng bagay o gawain na iyon. May iba't ibang uri ng pagka-puwede na ng ibang bagay kasi. Ang pinaka-ayoko dito ay 'yung trabahong tamad na "puwede na 'yan, submit mo na" na madalas kong sermon sa mga estudyante ko dati. Iba ito sa deklarasyong "Puwede!" kung saan hindi mo inaakalang ang nagawa mo pala ay may benepisyo o ganansiya, X-factor kumbaga, kaya kahit ikaw mismong lumikha ay nagulat sa nagawa mo. Kaya iba ang "Puwede!" na iyon kaysa sa "Puwede na..." na pilosopiya.
Kaya ngayon, bago magtrabaho, nakahanap pa ako ng paraang "Puwede pa pala" ang ilang bagay na nakatago lang sa dilim dito sa bahay, mga akala mo'y di mo na muling mailaladlad dahil wala nang pagkakataon. Iyon lang din pala ang nakadikit sa pilosopiyang "Puwede pa pala" -- ang mabigyan lang ng panahon at pagkakataon ang ilang bagay na akala mo'y patapon na dapat. Puwede. Puwede pa. Puwede pa pala.
Parang buhay at pag-ibig lang naman din 'yan, di ba. Ay, puwede pa palang maging masaya sa buhay. Ay, puwede pa palang ganito o ganun ang relasyon pero may konting iniba lang, pero puwede pa. Ay, puwede rin palang gawin ang ganitong trabaho dati sa bagong kalakaran ngayon, puwede na rin.
Puwede, puwede pa. Ang isa palang kakabit niyang konsepto ay adjustment. Puwede na, adjust ka lang ng konti -- o ng malaki. Puwede pa ito, adjust ka lang ng slight or with all your might dahil may kakapusan ka sa resources o may sentimental value kasing nakadikit sa ayaw mong bitawan. Puwede na 'yan -- kasi ayaw mo nang mag-adjust pa dahil di mo na kaya o wala ka nang maitutulak pa. Puwede na rin -- kasi tinatamad ka nang mag-adjust at maghanap ng alternatibo kaya touch-move na 'yan kung chess ang laro ng buhay. Puwede pa pala -- kasi ayaw mong mag-adjust sa bago kaya hawak mo pa rin ang luma, may silbi man ito o wala na.
Sa lahat ng uri ng "Puwede na" dito, iisa lang ang nangingibabaw: na ayaw mo pang sumuko, ayaw mong sukuan ang isang bagay o sitwasyon o trabaho o tao. Puwede pa eh, kaya tuloy lang ang gamit, ang larga, ang interaksiyon. Tuloy lang. Dahil parang buhay, tuloy-tuloy lang ang andar nito, sumabay ka man o hindi, handa ka man o hindi. So, sino ang mag-a-adjust, sabi nga ng isa Ms. Universe meme. Ikaw ba, o ang mundo? Tanungin mo si Miss U.
Catch up on your missed Pinoy memes in this post,
where I got this pic. Google mo na bakla,
ikaw na mag-adjust.
Kaya gusto ko rin ang pilosopiya ng puwede, dahil hindi ito agarang nagsasabi ng oo o hindi. Nasa gitna kumbaga, parang puwede pang isipin o puwede pang isali. Under consideration. Hindi siya agarang nega, dahil may kakabit siyang pag-asa, katiting man o ga-higante. Gray area of life, 'ika nga. And also, gray area for being, for existing. It's ironic how sometimes, life is more colorful to exist within these gray areas, because things have this tendency to be shaded or tinted toward a different look: dagdagan mo ng puti, tinted lighter. Kung itim, shaded darker. Parang mindset lang din, di ba? Grays. Puwede nas. Same same.
Kaya sige, gora lang, larga lang, life. Okay na ako dito sa grays, basta huwag lang mabalik sa lalim ng mga kadiliman.
Kape na, rainbow.
No comments:
Post a Comment