15 October 2019

Ang tunog ng alas-otso mo

Minsan, may kakaibang kalmang dala ang pagtitig sa kawalan.

Tulad nito.

Silip na. [October 2019 Marikina]

Maagang simula sa araw, maagang pagtanaw sa kailangang ihalaw. 

Alas-otso y media. Ito ang oras ngayong sinusulat ko ito. Minsan, may hindi naaalis na mga alaala ang panahon sa pagkatao mo, na naninikit sa iyong budhi nang di mo namamalayan. Tulad nito. 

Ano ang tunog ng alas-otso y media sa buhay mo?

Mas maaga pa nga diyan ang simula ng buhay ko, natin, noong panahong kinakailangan pa tayong gisingin ng iba dahil di pa natin alam kung paano gisingin ang sariling diwa sa umaga. Naaalala mo pa ba?

Naaalala ko pa hanggang ngayon kung paano ako dapat magising ng alas-singko, alas-singko y media siguro, para maghanda papasok sa eskuwela. Limang taon, pito, sampu. Pare-pareho lang ang pinagdaraanan ng umaga ko noon, sa piling ng lola ko, sa bahay niya sa Project 4, sa magulo pero masayang kapaligiran ng Antonio Luna street, doon sa mapayapa at luntian pang Quezon City noong 1970s at 1980s. 

Alas-singko. Alas-sais. Basta dapat alas-sais handa na ako, kasi dadaanan na ako ni Mang Cesar, ang may-ari ng pulang jeep na sundo ko, na ang tawag namin ay "school bus" kahit hindi naman siya bus. Pulang-pula ang jeep niya kaya hindi mo makakalimutan ang hitsura, at hindi ka mawawala sa parking lot ng eskuwelahan kapag uwian na at hinahanap mo siya. Si Charlie, ang konduktor niya, isang binatang maraming pimples, ang nakaabang na sa gate, susunduin kami at aabutin ang mga bag namin, taga-bitbit. Ang bongga ni Mang Cesar, 'no, may konduktor. 'Yung ibang naka-school bus na yellow, mga yamanin kong ka-eskuwela, wala akong nakikitang konduktor na tumutulong magbaba ng bag nila sa kalye. Pero kami, meron, may Kuya Charlie. Bongga lang.

Kaya ang tunog ng umaga ko, alas-sais pataas, noong mga late 1970s at early 1980s, ay pinaghalong huni ng mga ibong tumatambay sa mayabong na puno ng mangga sa tabi ng gate namin, at ang busina/harurot ng jeep ni Mang Cesar at pagkatok sa gate ni Kuya Charlie. At siyempre, ang walang kamatayang tunog ng AM radio na nakabukas lang lagi pagkabukas na pagkabukas ng umaga ni lolo at lola. Kaya kasabay ng paggising sa akin ni lola, o ng katulong namin noon na si Ate Violy, ang paggising sa akin ng radio anchor na nakasalang sa umagang iyon sa istasyong pinakikinggan nila. Background noise of life. Iyan ang AM radio, ang huni ng ibon, ang sigaw ng magtataho na dumaraan sa kalye, mga panaka-nakang sasakyan, ang jeep ng kapitbahay naming si Mang Doro, tatay ni Dorlet na bespren ko sa kalye, naghahanda nang mamasada. Mga taga-public school na kapitbahay na sabay-sabay naglalakad papasok sa eskuwelahan nila doon sa kabilang ibayo, malapit sa palengke, kung saan din nag-aral ang tatay ko at mga tita ko noon, nilalakad lang nila. Walang traysikel noon, puro lakad lang at jeep ang mga tao. O bisikleta. At okay na iyon.

Ah, ang simple lang ng tunog ng '70s at '80s, ano? Wala pang wifi, wala pang 24/7 cable TV, wala pang tunog ng sandamakmak na iba't ibang notifications sa cellphone sa umaga. Iba. Iba ang tunog ng umaga ko noon. Natin.

Ano na ang naiba ngayong dekada, o mula nang pumasok ang bagong milenyo -- noong panahong lumaki na tayo? Ako? Marami, marami na rin. Ang tunog ng AM radio mula sa transistor ay napalitan ng 24/7 news channel broadcast mula cable TV, background noise of life pa rin pero ibang medium na. Ganun pa rin ang tunog ng kalye -- maingay, marami nang traysikel, may jeep at siyempre sasakyan. Wala na akong marinig na magtatahong sumisigaw sa kalye, o baka kasi mataas ang building ko kaya di na sila umaabot dito. Pero noong nagrerenta pa ako sa mga village ng Quezon City, napapaigtad ako tuwing may maririnig akong magtatahong daraan sa kalye, kasi bihira na silang dumaan doon. Kaya bumibili ako, instant breakfast, buhay na ako sa 20 pesos na baso. Pero dahil sa iba rin ang ritmo ng katawan mo habang tumatanda, minsan ay hinahayaan ka na lang ng diwa mong matulog nang mas matagal, pambawi sa ilang taon o dekadang kinakailangan mong magising nang labag sa oras na nais mong pagtayo, dahil lang sa may pupuntahan ka: eskuwelahan, trabaho, o anumang lakad. 

Pero mula nang nag-kuwarenta ako, o kahit bago pa man, mga late 30s siguro, tila bumabalik ang katawan ko sa paggising ng sarili sa alas-sais. Dahil sa gusto na niyang gumana nang alas-siyete, alas-otso. Ewan ko ba kung bakit. May hinahanap yata ang katawan ko, ang tenga ko, ang diwa ba, o baka budhi. Wala naman akong kailangang pasukang trabaho dahil hawak ko ang oras ko sa aspetong iyon. Wala akong kailangang puntahan, daluhan, o bantayan, dahil sa gumagana na naman ng sarili nila ang mga bagay-bagay sa buhay ko nang di ako kinakailangan. 

Mas maingay na ang paligid. Nagsisimula na rin ang araw ng mga nilalang. Marami pa ring pumapasok sa trabaho at sa eskuwela. Walang magbabago sa aspetong iyon. Siguro ang nagbabago lang sa umaga ay ikaw. At kung bakit ka pa nagigising sa araw-araw.

Bakit nga ba?

Pang-ibang muni-muni na yata iyan, sa susunod. Pang alas-otso na -- ng gabi. Kasabay na siguro ng iba: samahan ng alak, sabayan ng pulutan na alaala.

Sa ngayon, kape muna ang iyong harapin. At magpasalamat sa sansinukob na kusa pa ring gumigising ang iyong diwa -- kahit minsan ay ayaw mo na, o ayaw mo muna.

Kape na.


No comments:

Post a Comment