Maraming pagbabago sa larangan natin, sa buhay natin, sa parehong propesyonal at personal na bahagi. May masaya, may mainam, pero mas marami pa ring masakit at masaklap. Maraming nawalan ng trabaho, maraming hindi alam kung paano gagawin ang bagong moda ng pagtatrabaho, at may ilan ring hindi naman masyadong naapektuhan ng mga pagbabagong ito dahil tila sanay na sila sa kalakarang nilalapat sa atin sa ngayon. At marahil ay isa ako sa mga taong iyon. Medyo.
Iyong tinaguriang work from home, ako iyon. Matagal na. Mula nang huminto ako sa pagtuturo. Bago pa man din iyon, ganito na ang moda ko. Virtual worker, remote worker. Matagal na akong nagtatrabaho nang ganito. Ang kailangan ko lang ay sarili kong espasyo sa pagsusulat, sa pag-e-edit, sa pagta-translate, at kung ano-ano pang uri ng trabahong kaya kong gampanan nang hindi nakikipagharap nang deretsahan sa mga tao. Matagal nang ganito ang buhay ko. Naiiba lang paminsan-minsan kapag kinukuha akong magturo o mag-training ng iba't ibang opisina at organisasyon. Masaya naman din ang buhay na iyon, dahil nga hindi ka napipirmi sa isang lugar; dadalaw ka lang at muling aalis, uuwi. Pero dahil huminto ang kalakaran ng mundo, huminto din ang ganitong uri ng trabaho ko.
Pero di ko nga gaanong alintana. Bagkus, tila mas dumami pa nga yata ang trabaho ko at kliyente ko simula nang nagkaroon ng lockdown, anumang uri ng quarantine na ang nilapat at lumipas, narito pa rin ang mga kliyente ko. Suwerte akong nilalang sa larangang ito.
Pero isa yata itong paraan din ng sansinukob para hindi ako masyadong malugmok sa lumbay, lalo na sa panahong ito na hindi ko maaaring magampanan ang lagi kong ginagawa sa tuwing nagkakaroon ako ng malaking pagkalugmok sa buhay, bunga ng pakikipaghiwalay sa isang kaulayaw o katipan. Alam mo 'yung sobrang tita na kantang "Downtown" na kinanta nina Angelina Jolie at Winona Ryder sa Girl, Interrupted? Theme song ng buhay ko iyon.
When you're aloneAnd life is making you lonelyYou can always goDowntown
Kanta ito ni Petula Clark, 1964. Siguro kung dekada ka nang nagbabasa ng espasyong ito, ilang beses ko na ding nabanggit ito. Pero ngayon higit sa kailanman, mas totoo sana ang aplikasyon nito sa buhay ko. Kailangan kong lumabas, magliwaliw, aliwin ang sarili, magpagpag, mamayagpag. Ito ang paraan ko sa pagpapanatili ng katatagan ko ng kalooban, lalo na't tuwing nalulugmok ako dahil sa isang hiwalayan.
Masama nga yata ang pagkakataong tumaon sa desisyong ito. Tinapos ko ang halos anim na taong relasyon ko bago nag-quarantine. Sadyang ganoon lang talaga ang buhay marahil, marami kang hindi magampanan at marami kang hindi matanggap, pati na rin mga bagay na hindi mabago--sa sarili mo at sa sitwasyon--kaya kailangan mong gawin ang mga nararapat mong gawin sa buhay, kahit alam mong masasaktan ka o makakasakit ka. Sa pagkakataong ito, marami naman akong babauning magagandang alaala, pero hindi lang talaga sila naging sapat para ipagpatuloy ko ang landas na tinatahak sana namin. Sa kabila ng lahat, sana ay nasa mabuti siyang kalagayan, at sana ay bumuti pa ang kalagayan nila. At iyon lang ang masasabi ko tungkol rito.
Nakakalungkot--na siguro, hindi rin, medyo--na marami din akong nakitang hiwalayan nitong panahon ng sapilitang pagkulong sa ating lahat. May isang manunulat na nagtapos ang kanyang kasal, kahit ang pagkakaalala ko ay kakakasal lang nila noong isang taon yata. Lalaki at babae ito. May isa akong kakilalang biglang nanahimik sa social media sa paninirahan niya sa ibang bansa; iyon pala, nagtapos na rin ang kasal niya sa isang kapwa lalaki rin, dahil nasa bansa silang puwedeng maganap ang ganitong unyon. May ilan din akong nabasang naputol bigla ang LDR, o ang pagli-live-in, naghiwalay ang landas na dating magkasama, na iba't ibang uri ng samahan: mga lesbiyana, nonbinary at hetero, hetero, mga bakla, marami. Tila napaligiran rin ako ng ganitong hiwalayan. Kaya siguro hindi ako masyadong sumadsad na, tulad nang dati, dahil nakakakita ako ng mga kabatak kong pareho din ang pinagdaraanan, tulad ko.
Di ko sana isusulat ito. Ayoko sanang ilabas siya. Pero ewan ko ba at bigla akong huminto sa pagtatrabaho ngayon hapon para lang maitaktak ko ito. Minsan kasi, parang masamang bara na nahihirinan ang pagkatao ko ng mga ganitong isipin at damdamin, at kinakailangan ko siyang ilabas para muli akong umusad, muling gumana. Kaya heto tayo ngayon, tumitipa.
Gusto kong magpasalamat sa mga tahimik na sumusubaybay pala sa akin nang di ko nalalaman. Natitiktikan na nilang hindi ako okay, at nagparamdam silang puwede ko silang lapitan. Akala ko ay naitatago ko ito nang mahusay, tinatawag ngang "cryptic post" ng isang kabatak na ginagawa ko daw sa Twitter. Wala namang kuwenta na sa akin ang Facebook kaya hindi ako doon naglalabas ng kung anu-ano. Pero sa Twitter, hindi ko rin pala naitatago. O sadyang malakas lang kumutob at makiramdam ang mga kakilala ko, mga kaibigang sa online lang nakilala, at mga kaibigang matagal na akong kakilala bago pa man naimbento ang social media, at mga kakilalang minsanang kainuman. May isa pa ngang frontliner na siyang pumuna kung kamusta ako, siyang doktor sa emergency room at katakot-takot na PPE ang suot sa araw-araw niyang kalagayan, siya pa talaga ang nagmensahe at nangamusta, sabay alay ng tenga at balikat kung kinakailangan daw. Touched. I am touched by such words of comfort and support. Thank you, my dear friends; your small efforts mean the world to me, and thank you for the offers and encouraging words. Truly.
Maliban sa mga mababait na nilalang na ito na natagpuan ko at natagpuan nila ako sa mundong ito, nakakatulong pala na June Pride Month ngayon. Na nahihila-hila ako/kami sa mga usap-usapang pride sa buwang ito ay hindi na bago, pero ito pala ang mga makakapagpaalala sa akin na kinakailangan ko pang maging matatag at matibay, dahil hindi pa tapos ang laban. Sa pangkalahatan. Sa pagsasalita tungkol sa iba't ibang aspeto ng buhay-bahaghari, tila nabubuhayan ako ng loob sa ilang aspetong akala ko ay namatay na sa akin. Marami akong binabalikan ngayon na mga bagay na nabinbin at naiwanan, o sadyang isinantabi, o pilit kinalimutan, dahil sa iba ang naging lihis ng buhay ko nitong mga nakaraang taon. At may mga bago rin sanang landas na puwede pang tahakin, o puwede pa pala, mabigyan lang ng pagkakataong makausad muli.
Sa ganitong mga panahon at pagkakataon, bundok o aplaya ang katapat ng katahimikan ng kaluluwa. Puwede na ring sine o siyudad na iba sa lugar ko. Nakakaturete na hindi ko sila mapuntahan, alinman sa mga ito. Pero kahit naman lumuwag na ang mundo, nakakatakot pa ding maglalalabas sa kung saan-saan. Hindi na muna. Gusto kong umabot sa kabaligtaran ng 47 -- 74. Kung dati ay may sarili akong taning sa buhay ko, na sinasabi kong hanggang 60 lang ako, latest expiration date bilang 65, hindi na yata ito totoo sa ngayon. Gusto ko nang lubusin kung hanggang saan ako puwedeng umabot. Ang nanay kong matibay nasa 75 na, bingo na, pero wala pa ring nakakatinag sa kanya. Mukhang ako rin ganito ang magaganap, aabot sa bingo bago mag-blackout.
Kaya sige lang. Kung anuman ang kaharap pa, at kakaharapin pa, tataya at tataya pa rin naman. Hindi naman na bago iyon, dahil ito na ang naging kalakaran ko sa buhay dati pa: ang tumaya, kahit walang katiyakan sa kalalabasan. Ang sigurado lang naman talaga tayo sa mundo ay -- walang kasiguraduhan sa mundo. Anumang uri ng galawan ang maganap at magaganap pa, uusad at uusad pa rin naman ako. Tayo.
Kaya sige lang, lipad, isip, namnam, hinto, iyak, tawa, ngiti, usad, ramdam, lakbay, hinga, pahinga. Repeat to fade.
Salamat sa pagbabasa.
No comments:
Post a Comment