08 June 2020

Because writing is breathing, and blogging is taking deep breaths

KAYSA KUWARESMA

Nitong kakasimula lang ng lockdown quarantine, tinanong ako ng nanay ko kung para na bang Holy Week daw ang kapaligiran kung saan ako nakatira. Sabi ko oo, tahimik, walang lumalabas, walang dumaraang sasakyan. Nakikita ko kasi ito mula sa bintana ng tirahan ko, na nakatambad sa akin ang kahabaan ng isang kalye na siyang dumurugtong sa isa pang kalyeng pahilera, na mula sa kanan at kaliwa ang daan ng mga sasakyan. Noong Marso pa ito, noong kakasimula pa lamang ng tinaguriang “new normal” ng buhay natin ngayon. 


Pero ngayong Hunyo na, iba na ang kalakaran. Tanaw ko na naman ang mga traysikel na nagsibalik na sa kanilang kalakal sa buhay — at mabuti naman. Isa sa naiisip ko sa buong panahong ito ng katahimikan ay ang maingay na pagkalam ng sikmura’t pagsigaw ng damdamin ng mga taong di masyadong nakakaangat sa buhay, itong mga maliliit na manggagawang natutuwa akong kaharap sa araw-araw na buhay ko noon — mga nagtitinda ng pagkain nang walang resibo, mga naglalako sa kalye ng kung anu-ano, mga sasakyang kahit saan mo parahin at dadalhin ka kung saan mo nais, mga hindi regular ang kita. 


Sinusuportahan ko ang ganitong mga tao dahil naiintindihan ko ang ganoong kalagayan — na walang kasiguruhan ang dating ng pera sa buhay mo, na hindi ka suwelduhang trabahador kaya kailangan mong magsipag, no-work-no-pay kadalasan — dahil katulad nila ako. Iyon nga lang, mas nakakaangat ako nang larangan kaya ibang lebel ang pagiging no-work-no-pay ko kaysa sa kanila. Ako 'yung tipo na kahit Kuwaresma o anumang holiday, kaya kong itawid ang mga araw nang hindi nagtatrabaho dahil maganda-ganda din naman ang natatanggap kong kabayaran sa mga kliyente ko. Pero sila kasi, hindi. Kapag di sila nagtrabaho, tiyak na mas malala pa sa Kuwaresma ang buhay nila — laging kalbaryo, walang katapusan, hanggang sa pakiramdam nila'y nakapako na sila sa krus. Kaya kahit papaano, sa anumang makakaya ko, sinusubukan kong suportahan ang ganitong mga nagtatrabaho — kasi masipag silang humahanap ng paraan para kumita nang marangal. Marangal.


Kaninang lumabas ako ng bahay, muli ko na naman silang nakita, at mas marami nang nagbukas na tindahan sa tabi-tabi, mga sarado dati na tila buong tag-init ay Kuwaresma ang dating. Mas marami nang sasakyan, mas marami na ring tao, at mas marami nang kumikilos. Sabay ng kilos na ito ang nagsibalikang ingay ng kapaligiran, mga tunog ng businang di mapakali, hiyaw ng taong may tinatawag sa kung saan, sita ng pulis at megaphone ng militar sa mga bagong patakaran ng pagkilos, alok at imbita ng tinderang nais kumita nang kaunti mula sa iyong pagdaan sa harapan nila. Nandiyan na silang muli, kahit papaano, kahit hindi pa ganap, pero may mangilan-ngilan na ring nanumbalik.


Muling nabuhay ang kapaligiran. Tila nagbalik na rin ang sigla sa mga mata ng taong nakakasalubong ko, dahil lamang sa simpleng nakakalabas na sila at nakakakilos nang nais nilang kilos -- at muling nakakapagtrabaho nang marangal. Tiyak kong may mga ngiti sa labi ng ilan sa kanila, pero di ko lang masilayan dahil sa nakatakip na kaming lahat — tayo — ng maskarang kailangang idagdag sa napakarami nang maskarang suot na natin, dati pa, sa pang-araw-araw nating buhay, dito sa Pilipinas. 


Sa susunod na tatawag ang nanay ko sa akin, masasabi ko nang nanumbalik na ang buhay dito sa bahagi ko ng siyudad namin. Pero alam kong alam na rin niya iyon, dahil sa siya ang unang sumubok ng kapaligiran nang medyo lumuwag na. Ang matagal na niyang binabalak na balak na magpunta ng bangko ay naganap na rin. Nanumbalik din ang independensiya niyang lumarga mag-isa, dahil lang sa may mga traysikel nang kayang-kaya niyang sakyan mag-isa. Siya na lumaking hindi sinanay ang sarili sa kalakaran ng taksi o anumang mas nakakarangyang sakayan, siya na mas kampante sa pagsakay sa jeep o fx na alam niyang hindi lalayo sa rutang pamilyar sa kanya, siya na kayang-kayang diktahan ang takbo ng traysikel, muli siyang nakakalarga na nang malaya. At natutuwa ako sa balitang ito. 


Kahit isang magandang balita lang sa araw ko ay malayo na ang nararating. Malaki. Sa panahong napakahirap kumapit sa mga madalas mong kapitan, mainam makakita ng mga panibagong makakapitan, maitawid lang ang araw. Para naman mas masaya ang pakiramdam tuwing magbubukang-liwayway, na ang sasalubong sa damdamin mo ay pakiramdam na parang bagong taon na manigo, kaysa sa parang Kuwaresma. 


No comments:

Post a Comment