Walang pinipili iyan, dahil noon ko pa nararamdaman iyan, kahit saan man ako umuwi. Noong maliit pa ako, hindi ko gaanong ramdam iyan, dahil siguro sa bata pa ako at kulang pa sa muwang. Pero may konti-konting pakiramdam na rin na ganito. Maliit pa lang ako, papalit-palit na kasi ako ng bahay na tinutuluyan. Bilang unang apo sa mga Cantor, lagi akong kinukuha ng aking lola na nakatira sa Antonio Luna street sa Proj. 4 mula sa apartment compound ng mga Linsangan sa kabilang ibayo ng lugar na iyon, doon sa Bugallon street kung saan nakatira ang nanay at tatay ko mula nang ikasal at magsarili. Parang ang layo na sa akin iyon, kasi sa mumunti kong mga paa -- na kinakarga pa pala -- ay marahil limang libong hakbang iyon mula sa Bugallon hanggang sa A. Luna. Pero nang lumaki na ako, sampung minutong lakaran lang pala iyon mula sa isang bahay patungo sa kabila, at mas maikli pa kung sa mga eskinitang shortcut ka dadaan, na para kang pumasok sa rabbithole ni Alice at wala pang tatlong minuto, andun ka na sa kabilang plaza kung saan may see-saw, swing, at baras na laruan namin noon, katabi ng isang basketball court. Pero dahil hinarangan ng bahay yung eskinita, nawalan kami ng mas maikling daraanan kaya kailangan naming gawin ang tinawag ng nanay ko na "long cut." Kasi nga hindi "short cut."
Long cut. Minsan, alam mong maikli ang daan papunta sa isang punto hanggang sa isa pa, pero mas pinipili mong magpasikut-sikot o magpaligoy-ligoy muna. Parang kapag galing ka sa libing o burol at sabi nila'y kailangan mong magpagpag muna bago umuwi, kadalasan ay hinahanap ko ang pagpag na iyon kahit wala naman akong pinanggalingang patay -- dahil minsan, pakiramdam ko ay parang may bahagi akong namamatay tuwing uuwi ako. Minsan.
Dahil sa parehong nagtatrabaho ang mga magulang ko noon, pabalik-balik ako sa lola ko hanggang sa ayaw na niya akong paalisin sana doon. Dahil matriyarkal ang bahay niyang iyon at mataray siyang babae, walang makapalag sa kanya, kahit ang panganay niyang tatay ko. Kaya tuwing may bahid na di maganda sa ugali ko noon, sinasabi niyang "spoiled ka kasi ng lola mo." Hindi ko naman naiintindihan pa ang ibig sabihin ng spoiled, kasi sa tingin ko, inaalagaan lang naman ako ng mga tao sa paligid ko. Siyempre, hindi pa hasa ang utak ko sa mas malalimang muni-muni, kaya sa mababaw na paraan ko ito naiintindihan, kung saan malinaw na itim/puti lang ang naghahari (nagrereyna?). Kaya sa naging paglalakbay ko noong bata pa ako, minsan ay di ko gusto ang pag-uwi sa isang bahay o ang pagpunta sa isa pa, lalo na nang nag-aral na ako. Dahil sa nasimulan kong mag-aral sa Quezon City, hindi agad ako pinaalis ng lola ko nang nakabili na sa wakas ng bahay na huhulugan ang mga magulang ko sa Marikina. Parang ang layo pa noon ng Marikina, liblib na lugar, walang masyadong bahay pa, puro lupa, at bakanteng lote na talahib. Ngayon siyempre, iba na ito, dahil baligtad na: puro bahay na, wala nang masyadong bakanteng lote.
Mula nang mamulat ako sa eskuwelahan noong limang taon pa lang ako, namulat din sa akin na puwede kong ituring na may dalawa akong inuuwian: ang bahay ng lola ko mula Lunes hanggang Biyernes o tuwing may pasok, at ang bahay naming pamilya sa Marikina tuwing weekend at bakasyon sa eskuwela. Parang ang saya-saya ko lang lagi tuwing uuwi ako sa Marikina, hindi dahil sa inaakibat ko ito sa presensiya ng mga magulang ko (na alam kong immature ang peg) pero ang ibig sabihin kasi ng pag-uwing iyon, wala na akong pasok sa eskuwelahang madalas ay nabu-bully ako. Kaya precious sa akin ang tuwing uuwi sa Marikina kasi kasa-kasama ko din ang nanay ko at kapatid tuwing Sabado dahil manonood kami ng sine sa Cubao, kahit underage ako para sa sine, kasi maraming kaibigang takilyera ang nanay ko. Minsan kapag Linggo naman, dadalhin kami ng tatay ko kung saanman may bagong restaurant o kainan na gusto nilang tikman. Kaya bata pa lang ako, alam ko na ang maraming fast food tulad ng Shakey's at Cindy's at alam ko na rin ang mga resto tulad ng Aristocrat at Barrio Fiesta.
Nag-iba ang pakiramdam ng uwiang ito noong haiskul ako. Dahil sa nilalakad ko lang ang bahay namin mula sa nilipatan kong eskuwelahan sa Marikina na, parang pantay na lang ang palagay ko sa pakiramdam ng pag-uwi. Kahit noong nasa kolehiyo ako, hindi ko rin iniinda na ang pag-uwi o kung may pakiramdam ba ito ng saya o lungkot tulad noong elementary ako. Pero hindi rin naman malungkot tuwing pupunta ako sa lola ko, kasi nga paborito akong apo, maraming perks din iyon, at para ko na rin siyang naging pangalawang ina sa mga panahong iyon. Hindi ko lang maalis sa mura kong isipan na ang ibig sabihin ng pag-uwi sa Proj. 4 ay kaakibat ng may pasok kasi sa eskuwelahang di masaya para sa akin na pasukan.
Iba nga sa haiskul. Dumadalaw-dalaw pa rin kami kay lola pero mas madalas kapag may okasyon na lang, tulad ng birthday at lalo na kapag Pasko. Kaya ang alaala ko ng Pasko ay doon nakadikit sa bahay na iyon, sa side ng pamilyang iyon, dahil siguro sa mas maliit siya at intimate kami, di tulad sa Linsangan na napakarami kami at medyo matatanda na ang karamihan sa pinsan kong hindi ko pa nahahabol sa maturity man lang. Masaya naman doon dahil sa andun ang nanay kong mahal ko, pero mas masaya sa Proj. 4 dahil andun ang nanay ko at ang lola kong pangalawa kong ina. Kaya masarap umuwi sa Proj. 4 kung may ganung pakiramdam noon.
Siyempre iba na rin noong na-petition ang lola at lolo ko sa Canada, kung saan naroon na ang 85% ng nakalakihan kong pamilya sa A. Luna. Kaya may panahon ding malungkot nang umuwi sa Proj. 4, kahit dalaw man lang, lalo na nang mamatay na nga si lola at si lolo na rin, sa kalaunan. Pero may ganun nga yatang panahon, na kailangan mong tanggapin na minsan, masakit ang ilang pag-uwi. Pero iba 'yan nang natuto akong mag-solo sa buhay. Dahil sa siguro ay magkaugali kami ng tatay ko, di kami magkasundo madalas sa iisang bubungan habang lumalaki ako. Kaya mas ginugusto ko ang hindi pa umuwi noong pagkatapos ko ng kolehiyo. Siyempre, bilang lumalaking teenager, may kahalo itong pagtuklas sa mundo, na kadalasa'y di tugma sa mga patakaran ng tatay. Sinunod ko naman ang sinabi niya sa akin isang beses na nag-away kami, "habang nakatira ka sa bahay ko, susundin mo ako." Kaya umalis na lang ako, at naghanap ng sarili kong bahay, lalo na noong matapos na akong mag-kolehiyo. Na natagpuan ko naman, paulit-ulit, sa ilan ding apartment na nirentahan ko mula noong umalis ako sa amin.
Nakakalokang isipin na ang minsan mong bahay-bakasyunang masayang inuuwian noong bata ka pa ay magiging mabigat sa damdaming uwian dahil sa ilang nakatira dito, na nakakasira ng pakiramdam mo sa tinutuluyan mo. Masakit sa aking isiping hindi na nga ako lumaki sa nanay ko habang bata ako, tapos eto at lalayasan ko na naman siya nang lumaki na ako. Parang kolehiyo lang talaga kami nagsama nang tunay at lubos. Kaya nga ngayong mas matanda na ako at mas nauunawaan ko na ang maraming bagay, mas madalas na akong "umuwi" sa kanya, ibig sabihin madalas kaming mag-hang out at magkita sa labas, at ihahatid ko lang siya pauwi, o kaya'y hihinto ako doon minsan para kumain ng luto niya o putaheng nadiskubre niya sa mga karinderya.
Pero mula nang umalis ako sa bahay naming iyon noong 22 years old ako, hindi na ako bumalik pa at natulog doon. Ni minsan. Ewan ko ba pero may hinahanap na ding kalayaan ang utak at damdamin ko noon na parang hindi ko nakukuha sa bahay naming iyon noong lumaki na ako. At alam kong alam ng nanay ko iyon, kaya hindi sumama ang loob niya sa akin nang gawin ko iyon. Napapagod na rin siguro siyang maging referee naming mag-ama sa madalas na bangayan.
Lumabas ako sa Marikina para mas mapalapit ako sa mga bagay na pinagkakaabalahan ko sa buhay noon, na pawang nasa Quezon City o karatig-siyudad nito. Nakailang lipat din ako ng apartment, sa sampung taong nilagi ko doon, na noong una ay may kasama ako sa buhay na ka-live-in na partner, na sa paglaon ay naghihiwalay kaya housemate naman na mga kaibigang matalik sa kolehiyo. Na nilayasan ko rin nang muling magka-partner, hanggang sa nagsolo na ako nang naghiwalayan din iyon. Noong mga panahong una kong ginawa ito, kahit minsan ay nahihirapan na ako sa gastusin at naiisip ko nang bumalik sa amin, minsang sinabi ng isang kaibigang matalik na "What price freedom?" Tama naman siya, at alam kong mas tama iyon. Kaya dedma na rin sa isa kong tita, ang pinaka-ate ng nanay ko, nang lagi niyang sinasabi sa akin na "may bahay kayo, bakit hindi ka doon umuuwi?" Naku tita, hindi kasi ako tulad ng mga anak mo, mga pinsan kong mas matanda sa akin, na kahit nag-asawa at anak na, diyan pa rin sa iyo lahat nakatira, at ikaw pa rin ang nagpapakain sa kanila hanggang sa ngayon. Ang kalayaan sa akin ay ang makahanap ng sarili kong pamamaraan para buhayin ang sarili ko, kahit doble-triple kayod minsan ang kailangan dahil sa may binabayaran akong renta sa bahay sa ibabaw ng mga bills na binabayaran nating lahat.
Kaya siguro mas iba ang dating sa akin ng pag-uwi sa mga apartment noong solo na akong umuuwi doon, walang partner o walang housemate. Kung nagkaka-partner man ako, may sarili kasi siyang inuuwian kaya hati kami sa panahon sa mga tirahan. Pero lagi akong may sariling akin, at kung pupuwede nga lang, dito na lang sila sa akin tumira, dahil sa hindi ko naman kayang makitira minsan sa kung nasaan sila dahil nga sa may iba silang kasama sa bahay na kapamilya o kung anuman. Sa pag-uwi-uwi kong ito sa mga apartment ko, dito ko simulang naramdaman na masarap magkaroon ng sariling kuweba kung saan puwede ka munang magtago mula sa mundo at mag-muni-muni o mag-relaks lang nang walang inaalalang ibang tao. Nakukuha ko rin naman iyon kapag paminsa-minsan ay may partner ako, pero iba kasi kapag may kasama pa kaming iba sa bahay, tulad nang dating may partner ako at yung kaibigan namin ay housemate din namin. Nakukuha ko din naman iyon noong nagsisimula akong magsolo, lalo na noong may housemate ako at yun ang una kong tikim doon, na may sarili na akong mini-kuweba (kuwarto) sa isang bahay na kami lang ng mga kabatak ko ang nagpapaandar, hindi kami nakaasa sa magulang o sinumang mas mataas sa amin. Pantay kami, at kami ang may kontrol.
Pero di ko alam na tuwing ihahatid pala ako ng mga magulang ko sa mga apartment ko, awang-awa ang tatay ko sa akin kasi nagrerenta lang ako. O kaya ay dahil hindi gaanong kapita-pitagan ang tinitirhan ko sa paningin niya? O ewan ko kung ano pa ang iba niyang dahilan, pero kinuwento ito ng nanay ko sa akin minsan kaya pumayag silang maghanap na lang kami ng mas permanenteng mauuwian ko, na palagay ko ay pagtanggap na rin nila na kailangan kong umuwi sa sarili kong tirahan na hindi sa kanila. At dahil sa napapagod na rin akong magbayad ng renta sa isang tirahang hindi naman sa akin, napagdesisyunan nilang tulungan ako sa paghanap ko ng condo para sa akin. Na natagpuan namin dito sa bayan naming muli, pero sa mas bungad, hindi sa malayuan tulad ng kung nasaan sila. Natutuwa siguro sila na mas malapit na ako sa kanila ngayon, simula nang tumira akong muli sa Marikina noong 34 na ako. Na hanggang ngayong malapit na akong mag-43, narito pa rin ako sa santuwaryo kong tinuturing na ilang barangay lang ang layo sa bahay namin.
Pero aaminin kong noong simula ng pagbalik ko dito, malaki ang kaakibat na lungkot minsan tuwing uuwi ako dito. Marahil nakadikit ito sa mga panahong hindi ko na gustong umuwi dito sa Marikina, sa bahay namin na nilayasan ko, at ang mga lumang pakiramdam na mabigat ay parang bumabalik-balik sa akin kahit na mas matanda na ako. Ano ba naman yun na ang angst ng 22 ay nararamdaman ko pa noong 32-39 na ako? Kahit noong 40. Paiba-iba yan kasi; minsan sobrang tuwa ko kapag uuwi ako dito, pero minsan sobrang lungkot ko tuwing uuwi rin akong mag-isa. May kinalaman ba ito sa pagkakaroon ng partner o wala? Minsan, oo, pero hindi naman yata lagi. Lalo na't noong nagkaroon ako ng mas batang partner na tumira sa akin dito nang halos dalawang taon, nahirapan akong ipagpag ang negatibo sa pag-uwi ko dito noong wala na siya. Kung noon, mas madaling ipagpag ang pakiramdam ng bigat dahil sa apartment lang iyon at puwede mo rin siyang layasan kapag nilayasan mo na ang isang relasyon, dito mahirap ayusin ang chi dahil sa dito na ako nakatira, binabayaran hanggang ngayon, na sa paglaon ay mapapasaakin din. Kaya talagang nakakaloka na para akong sinapian ng feng shui expert na inayos ko ang lugar ng mga gamit ko, eh saan ko pa ito iiikot sa liit ng espasyo kong ito? Na sa huli ay ang ginawa ko, pinalitan ko halos lahat ng kasangkapan ko dito sa bahay, basta lahat ng puwede kong mapalitan: dining table, couch, cabinet, shelf, parang engrandeng sale na hindi, kasi pinamigay ko lang naman lahat yun sa isang tita kong nangangailangan. Maganda rin ang timing ng pera noon dahil kinaya kong palitan ang mga ito. Pero dapat yata ay isinama ko ang kama dito sa pagpapalit na ito, ano? Pero mukha namang wala nang epekto ito, dahil sa nang umaliwalas na ang pakiramdam ko, marahil ay umaliwalas na rin ang kung anuman nanikit na negatibo sa tinutulugan ko.
Napakahabang naratibo nito, tungkol lang sa pag-uwi. Ewan ko ba pero naramdaman ko lang nung isang araw kasi ito, muli, na parang naiisip ko ang pakiramdam ng pag-uwi, mula Cubao lang naman, na naaalala ko kung gaano kalungkot minsan ang pakiramdam ko ng pag-uwi dito, dahil yata sa nag-iisa ako sa buhay. Pero hindi naman "hinahanap" ng sistema ko ang kalungkutang ito; napaisip lang ako na may kalungkutan nga pala dati na nararamdaman ako. Matagal ko na ring hindi nararamdaman ito kasi, mula noong 2011 siguro, matapos kong tuluyang mapagpag ang pakiramdam ng umalis na partner na tumira dito. Minsan, ang pag-uwi ko ay may kaakibat na lungkot pa rin, pero hindi na nakaangkla ito sa mas malalimang hugot di tulad noong mas bata-bata ako. Marahil ay naging komportable na ako sa kung anuman ang dumating na baraha sa akin sa buhay: single, hindi single, go. Hindi ko ikamamatay ang pagiging single pero hindi ko rin pahahabain ang isang relasyon kung ipit ako dito, di tulad ng ginawa ko noong bata-bata pa ako sa mga relasyon. At hindi na doon nakadikit ang kalungkutan ng pag-uwi, lalo na noong naging 40 na ako. Siyempre, sabi ng isa kong matalik na kaibigan dati, malungkot minsan kasi naghahanap tayo ng intimacy, kapalagayang loob, katuwang sa buhay, at lagi niyang pinipilit na, kahit ilang beses pang sumemplang ang mga relasyon ko, may nakatago daw diyan na "da wan" para sa akin/amin. Hindi ko na lang sinabi sa kanya na hindi naman ako naniniwala doon. Basta kung may dumating, meron. Kung wala, wala. At dapat kampante at handa ako doon -- na oo, noon pa naman ay kampante na at handa. Pero siyempre, paminsan-minsan ay maiisip mong mas masaya kung meron, pero hindi ibig sabihin nito ay malungkot kapag wala. Dapat masaya lang lagi ang peg. May pag-asa, pero huwag umasa. Kaya nga naka-tattoo sa akin yan: hope, and keep busy. Habang buhay, may pag-asa, pero huwag umasa nang umasa; dapat ang kaligayahan mo ay galing sa sarili mong balon. Huwag humukay sa iba.
Life rewrites at 40, sabi ko nga ilang taon na ang nakalipas. Wala na daw sa kalendaryo ito, sabi nila, pero nasa star charts pa rin naman ako, forever. Age of Aquarius na o kung anuman iyon na ineksplika ng kaibigan kong sumisilip sa mga ganitong astrological chart. May kaakibat daw na kalinawan ang maraming bagay kapag narating mo ang isa sa mga tinaguriang "age" na ito. Marahil ay ito nga ang nangyari sa akin. Wala na akong bahid ng lungkot sa pag-uwi na ang pinanggagalingan ay ang kawalan ng pag-ibig o pagkakaroon nito pero palpak naman ang pagtakbo. Marahil nga ay kailangan ko ng partner na mas nakakaintindi ng mga bagay-bagay na ganito, dahil siya rin ay may ganito sa sarili niyang mundo. Iyon ang masarap uwian -- yung tunay na nakakaintindi, na alam niyang kahit wala pa kayo sa iisang bubong, mayabong pa rin ang paglago ng tinanim niyong puno. At masarap uwian ang kasamang may pangarap: na isang araw, uuwi rin kayo sa iisang bubong na pareho niyong ginusto. Kaya kampante ako na there's a girl who really gets it, and gets it good -- and gets it for real.
Kaya hindi simpleng usapin ang tirahan, ang pag-uwi, ang pagtira, o mga kaakibat na bagay dito. Hindi tayo simpleng mga nilalang kasi, kaya kailangan nating maintindihan na iba-iba ang ibig sabihin ng mga bagay-bagay sa mga tao. Ewan ko kung bakit sumagi sa isipan ko ang lahat ng ito noong isang araw na hinahatid ako ng taxi pauwi: na naalala kong dati ay nalulungkot akong umuwi dito sa condo, pero parang ang tagal tagal tagal na nun. Mga 2012 nga pala mula nang maramdaman ko iyon, pero huling beses na nga iyon. Pero mas natuwa nga ako sa isiping hindi ko na nararamdaman ito, na kahit minsan ay malungkot akong uuwi, hindi ako nalulungot nang dahil sa pag-uwi. Magkaiba kasi iyon.
Where will I take this post home? Nowhere, for now. Naisip ko lang mag-blog muli dito kanina, pagkagising ko, at ilabas itong naratibo ng pag-uwi na sumundot sa isipan ko noong isang gabi nga. Marahil ang nakukuha ko dito ay, hindi lang naman pisikal ang ibig sabihin ng pag-uwi. Metaphysical din siya, madalas philosophical, and sometimes, ethereal. They say that home is where the heart is. I believe that, but also, I think it's better to think that home is where your heart is, enveloped with peace of mind and calmness of soul, because it's not only love that you have to find a home for. So I think I'll just leave it at that, and say -- I'm back.
La luna e mio dio, I used to say upon learning Italian
in HS (pardon the
ungrammatical structure).
The essence stays the same, year in and year
out.
It truly guides me home, wherever home might be.
[March 2016
Marikina]
Yes, I'm back.
No comments:
Post a Comment