28 March 2016

Para kay Mang CV

Sinimulan kong buksan ang pahinang ito para magsulat ng isang post tungkol kay Mang CV. Pero parang tila nailabas ko na yata kagabi ang anumang raw emotions na kailangan kong mailabas. Kaya ire-repost ko na lang dito yung nilagay ko sa Instagram/FB kagabi, matapos ko siyang dalawin sa huling pagkakataon sa mundong ito.

Paalam, Mang CV. At salamat. Maraming salamat.


Yung eksenang pasko ng pagkabuhay ngayon pero galing ako sa patay. Paano, nag-roll credits na kasi si Mang CV, dakilang property custodian sa UP Masscomm Film dept kung saan ako nag-undergrad na naging UP Film Institute kung saan ako nagturo. Nakita ko ang parehong side ng film at mahalaga ang naging function ni Mang CV sa buhay film namin, mula sa panahong kinakapa ko ang pag-develop ng Tri-X roll ko sa darkroom hanggang sa naging honor ma-refer ng batchmates mo na "wow para ka nang si Mang CV" dahil kayang-kaya ko nang kapain ang Bolex cam nung nag-spaghetti ang 16mm film sa loob nito isang beses na nagshu-shoot ako ng film thesis ko, hanggang sa pagtambay naming barkada sa room niya after class para manood lang ng koleksiyon ng rare films na di namin nahihiram sa labas tulad ng mga pelikula ni Zhang Yimou, Francois Truffaut at marami pa, hanggang sa inatasan akong maging head ng academic programs and research division ng Film Insti nang naging faculty ako, narinig ko ilang beses sa buhay na ito ang suporta niya na "sige, ako bahala" kapag kailangan ko ng tulong niya. Cool lang siya at mapagpasensiya lagi, kaya kinainis ko nang may isang lecturer dati na nakawala ng library book dahil pinatong daw niya sa mesa ni Mang CV expecting him to return it pero nung nawala, si Mang CV pa ang pinapabayad niya at di niya inako ang kasalanan. Kaya tuwing nakikita ko ngayon ang lecturer na ito, na sinipa namin pero pinulot ng ibang departamento, ito ang naaalala ko lagi. Di ko na alam kung ano ang naging resolusyon doon pero sana ang mga taong tulad ni Mang CV ay nirerespeto. Nalulungkot ako ngayon dahil di man lang ako nakapagpaalam at nakapagpasalamat nang husto o pormal sa mga mabubuting budhi na staff nang bigla akong mag-alsa balutan sa pagtuturo. Pero alam kong alam niyang kailangan ko na kasing tumalilis noon; minsan, kailangan mong mag-exit frame bigla sa ilang eksena sa buhay. Kaya ngayon ako nagpaalam, at alam kong cool lang siyang tatango na "okay lang" sabay ngiti. Paalam Mang CV. Regards mo ko kay Ma'am Ellen, Sir Hammy at Sir Joven diyan. Cut ka na dito, pero take 2 ka na diyan, change location lang. Ingat po.

No comments:

Post a Comment