Pilipino ako, kaya ganito ang kalendaryo ko. Kahit di ko gusto, nakikiayon ako sa mga ito. Walang choice, eh, kasi lahat sila ganun ang pag-iisip. "Ber" months na naman, sasabihin sa TV mamaya, tapos ayan na, ang walang katuturang countdown ng __ days to go before Xmas. Na di ko mawari kung bakit kelangang i-countdown samantalang alam naman nating darating siya sigurado. Ewan.
Kung matagal ka nang nagbabasa ng blog ko at kung matagal mo na rin akong kakilala, alam mong di ko masyadong paborito ang panahong ito. Ito kasi ang isa sa mga sagrado dapat na panahon na ginagawang komersyal ang selebrasyon at sobrang stretched pa sa mga Pinoy. Saan ka nakakita ng paskong limang buwan ang celebration? Onli in da Pilipins sabi nga.
This is what Ms. Bah Humbug looks like circa July 2012.
Cute pa rin naman eh 'no? Chos.
Pero di lang naman komersyalisasyon ang dahilan. Dati pa ito. Nakatali sa alaala ng namatay kong lola ang pasko, kaya parang nalulungkot pa rin ako hanggang ngayon na i-celebrate ito. Pero I tried naman, I really did, several times before, and I enjoyed it somewhat. Ang latest nga lang na manifestation nito ay noong subukan ng huli kong ex na dalhin ang pasko sa bahay ko. At masaya naman itong naganap noong panahong iyon. Akala ko, mula noon, ay mas tuloy-tuloy na ang pagtanggap ko sa pasko. Tutal, mainit na tinatanggap ito ng karamihan sa paligid ko, lalo na ng mga mas nakababata, at ng mga bata. Ang pasko ay para sa mga bata lang naman talaga. Bahala na tayong matatanda kung paano natin ito titimplahin para sa atin.
Pero wala rin, naging masaklap din ang ending ng kuwentong iyon kaya mas tinalikuran ko yata lalo ang pasko dahil doon. Mas gusto ko pa ang new year, sa totoo lang, kasi may aabangan kang bago. Mas gusto ko ang ritwal na kakabit sa pagbabago ng taon. Magpasabog ka ng paputok, magsindi ng lusis, mag-ingay, para matakot at mawala ang mga nega na nanikit sa balat mo sa taong iiwan. Magsabog ka ng mga barya para mas maraming pera ang bumalik sa iyo. Maglagay ka ng bilog sa katawan, bumili ng mga bilog na prutas, magsuot ng bilog-bilog sa damit, para daw suwerte ang sumalubong. Tumalon ka para tumangkad ka. Aaminin ko, ito ginagawa ko pa rin -- ang tumalon -- kasi gusto ko talagang maging 5'7" eh, sensya na, kapos ako ng ilang inches. Eh baka mangyari, malay mo, di ba. Di ba ang saya: out with the old, in with the new. And it encompasses all things in life, your inner and outer. Kaya 'yan, mas trip ko 'yan, new year.
Christmas is like strawberries.
Sometimes they're sweet, sometimes they're huge,
sometimes they're ordinary looking.
But they're always red and green,
and you always know when they're coming.
Pero ngayon, iba na ang peg ko sa pasko na naman. Naka-angkla na naman sa isang nilalang. (As usual, gumagana lang yata ang ilang kapasidad ng katawan at utak ko kapag nakaangkla sa pag-ibig. Mantakin mo nga naman...) Di lang sa isa this time, sa iba pang mas maliliit na nilalang. Ang pasko ay para sa mga bata, sabi ko nga, at sa mga matatandang may inaarugang mga bata. So dahil ako ay may matandang inaarugang may inaarugang bata, tila ganun ang magiging porma at kalakaran ng pasko ko. nakikini-kinita ko na. Maaga na nga akong nagplano, eh, sankapa. Iniisip ko nung second quarter pa lang ng taon, kapag nasungkit ko 'yung isang malaking biyaya ng buhay na inaabangan ko, gusto ko silang dalhin sa isang lugar kung saan mas maligaya ang pasko sa lahat. Pero dahil sa di umukol at di bumukol ang ganansiyang iyon, tila wala ring mangyayari sa iniisip kong plano. Unless magkaroon ng panibago anytime soon, eh di tignan natin kung puwede pang maganap ang binabalak. Sana nga meron.
Masilayan ko lang ang pitak na ito sa pisngi niya,
pumipitik na naman ang pulso ng puso ko.
Eh ganun eh bakit ba hamu na minsan lang ito.
Pero matuloy man o hindi, palagay ko ay maiiba na naman ang mukha ng pasko ngayong taon sa akin. Dahil nga sa mga nilalang na ito. Di ko na masyadong iniisip pa 'yung mga mas bongga. Iibahin ko na lang ang magiging timpla. Puwede namang maging masaya kahit di ganun ka-bongga. Basta magkakasama. At saka, naalala ko lang, panahon ng pasko nga pala 'yun, naalala ko pa, ang unang itinakda naming panahon na magkita. Before or after, before yata. Hm, panibagong naratibong nakaangkla sa pasko ito.
Grabe, ang bilis ng panahon. Mga Oktubre ko siya nakilala last year, bunga ng patalun-talon ng malikot na mata at isip sa internet, as usual. Disyembre namin itinakdang mag-date, pag-uwi raw niya mula sa ibang bansa kung saan siya nakadestino. Okay lang daw bang mag-date kami ng panahon ng pasko. Oo naman sabi ko. Ako naman si bookmark, kung maganap, okay, kung hindi, keri lang. Ganun naman talaga di ba? Hanggang sa matulak nang matulak ang December date na iyon na naging January, na naganap na nga ng bongga. Hanggang sa lumipad na ulit siya paalis pagtapos ng new year. Nasarado naman ang usapan, at alam niyo na iyan dahil sa lagi siyang laman ng isip ko sa pagsusulat dito. Tapos eto na, malapit na ang October, malapit na ang December, ang takda ng sunod na pag-uwi niya. Lumalapit na ang lahat. At isang tumbling na nga lang, parang pasko na. Kaya parang andiyan na rin siya, malapit na.
Funny how things could transform Ms. Bah Humbug into Ms. Smiley Face.
Di ko alam na may aabangan pala akong mas malaking pagdating sa pasko. Parang delivery lang ni Santa Claus. Hm, sana naka-ribbon.
Hay pasko, pasko sa Pilipinas. Isang tulog na lang, pasko na. Bukas. Mantakin mo nga naman. Ako si Miss Bah Humbug naghihintay na ng pasko.
I guess this really is love.
padala niya noong pebrero, pasko ng mga puso
No comments:
Post a Comment