Marami akong plano sana dito, para sa iyo. Pero puwede palang lumipas ang pagsasagawa ng plano, tulad ng paglipas ng panahon.
Oo, tungkol ito sa kuwadernong ito. Naisip ko pang ibigay sa iyo ito noon, pahabol, kasi nakaalis ka na. Isang munting tapunan ng mga naisatulang alaala, naisulat na talinhaga, nahuling mga saglit ng pagpapahalaga.
Pero wala na siyang silbi ngayon, wala na siyang halaga. Tulad ng sinaunang litratong naninilaw kapag di inaalagaan, ang paglagak ng mga likha sa mga pahina niya'y di na naganap pa. Hindi na. Tulad na rin marahil ng panahon, ang pakiramdam para gawin ito ay lumipas na, dahil ang pagpapahalaga ko sa atin ay lumipas na rin.
Nang di ka na masyadong nagparamdam pa matapos lumisan, naisip kong wala na yata talagang saysay, wala nang halaga. Anuman ang namagitan sa ating dalawa, nilalang, ay di na maibubuhos pa. Ang tinta'y umaayaw na sa planong itala pa, dahil tulad ng paglisan mo, tila ako'y nawalan na rin sa iyo ng halaga. Tila ako'y napaglipasan mo na. Ang katahimikan mo ang siyang mas nagmarka. Siyang nagmarka.
Kaya ang sinimulang tapunan ng likha, ito, ay mananatiling di tapos. Aayusin na lamang para magkaroon ng isa pang silbi. Tutal iba na rin ang nagpupukaw ng aking mga isipin, sa nilalang na ito ko na lang itatagubilin ang damdaming minsa'y inisip kong sa iyo ihabilin. Pero dahil sa napaglipasan na tayo ng lahat ng ito -- oras, panahon, at oo, pag-aaruga -- ang pakiramdam na dati'y walang hangganan, ngayon ay tutuldukan na. Para din may bagong maitala, dala ng bagong nilalang na sa aki'y mas malaki ang pag-aaruga, ang pag-aalaga.
Muli, bubuksan ko ang mga pahina nito, buburahin ang nasimulan, at magtatakda ng panibagong mga tala sa mga alaalang patuloy naming nililikha, itinatago sa anumang paraan, para di kailanman maramdamang ang pagmamahalan nami'y mapapaglipasan ng anuman.
Walang anuman.
20july2012friday11.58am
The coast is clearer.
[in transit within Marikina / July 2012 processed via Instagram]
---
*Muli, isa itong dagli na tinatawag, or
sudden fiction/flash fiction/short short story in English, or palm of
the hand story according to writer Yasunari Kawabata, na dahil sa ikli
ng kuwento, kasya siya sa palad mo, literal. Not exactly fiction as this is more of
creative nonfiction (essay), but this is hopefully what I want to do
for my PhD sana before when I thought of getting Creative Writing again
(sudden nonfiction/flash nonfiction, reinventing a sub-genre as it
doesn't practically exist). But well, let's see...
Feedback? Comment away. Let's workshop it. :) If you don't understand Filipino, there's always those translator websites, you know. Some works really come out in specific languages.Yes, I am a bilingual writer. Ever since.
No comments:
Post a Comment