Nalipasan*
Naaalala ko ‘yung mukha mo, seryoso, nakakunot ang noo nang
bahagya, malapit nang magsalubong ang kilay pero medyo pataas pa rin, na parang
magsasalubong di dahil sa galit kundi dahil sa pag-aalala, pag-aalala nang
dahil sa pag-aaruga, aruga sa tangan-tangan mong kamay ng nilalang sa iyong
tabi, hawak-hawak mo sa kamay habang lumilingon-lingon ka sa paligid at nag-iisip,
kaya kunot ang noo, dahil gumagana ang utak mo, naghahanap, bahagyang
nababalisa rin, dahil sa pinararamdam ng puso mo sa utak mo, na nakikita ko sa
iyong napakagandang mukha. Mukha ng pag-aalala, pag-aaruga, at pagmamahal, sa
nilalang na iyong tangan – ang nilalang ay ako. At iyong nabanggit, nang buong
pagmamahal, pag-aalala dahil sa nagmamahal ka, nang iyong sinabing “Gutom na ang mahal ko...” sabay hanap
sa paligid ng solusyon sa tila maliit nating sitwasyon – ang gutom ko – pero parang
malaking bagay para sa iyo, dahil sa ika’y nag-aalala, sa aking kalagayan –
ako, ang iyong bagong mahal – na sa mga sandaling iyon, ay ayaw mong mapabayaan,
ayaw mong malipasan ng gutom man lang, kahit panandalian, dahil ganito ka
magpakita ng iyong pag-aalaga, ganito ka magparamdam ng iyong pag-aaruga.
Ganito, mahal, ganito mo ako kamahal, na kahit isang saglit
lang ng di naman mabigat na sitwasyong aking maranasan, aking maramdaman, ay
agad-agaran mong nais bigyan ito ng solusyon, ng sagot, ng pagtatapos sa
nararamdamang mumunti at panandaliang karamdaman. Sa ilang segundo na iyon, sa
isang sulyap kong iyon sa iyo, sa ilang hakbang na nilakad natin, sa ilang
sandaling magkadikit ang ating mga balat, magkahawak ang mga kamay, tinuldukan
natin ang pagiging magkakilala bilang kaibigan, at sinimulan natin ang
pakiramdaman ng dalawang nagmamahalan, sa pamamagitan ng pag-aaruga sa mga
mumunti pero mahalagang panahon na magkasama tayo, mga panahon at pagkakataong
magiging ginintuan pala, sa paglaon, dahil sa bibihira tayong magkaroon ng
maraming pagkakataon, ng mga pagbababad sa esensya ng isa’t isa, sa
pagliliwaliw nang oras-oras, araw-araw, lagi-lagi, dahil wala pala tayong
magiging lagi-lagi, segu-segundo, tulad ng ibang magsing-irog sa paligid, dahil
dala ng pagkakataon at pangangailangan ay kailangang mawalay tayo sa isa’t isa,
at handa sa pagtitiis ng di nasisilayan ang mukha sa tuwing gigising, pagtitiis
na di nahahagkan ang mga labi tuwing nais natin ng isang halik, pagtitiis na di
tayo abot-kamay kapag nais natin ng kayakap, mga ganitong bagay na di na pansin
ng mga magsing-irog tulad natin na sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay di na naiisip
na mahalaga ang mga maliliit na bagay-bagay na ito. Pero para sa ating
kailangang manirahan nang magkahiwalay ay ramdam na ramdam natin ang kalayuang
ito, ang kawalang ito, at ang kalungkutang ito na ramdam ng ating mga kaluluwa
sa tuwina.
Kaya nagiging mahalaga ang maliliit na eksenang ganito,
makabagbag-damdamin ang mga pagpaparamdam ng mumunting pag-aaruga na ganito, at
nagiging makahulugan ang isang simpleng gawaing di na pinag-iisipan pa ng
karamihan sa pang-araw-araw. Iba kasi sa atin, di ba mahal, ibang-iba, kaya sa
tuwing naaalala ko ang pagbanggit mo ng mga simple pero makahulugang katagang
iyon, mga kataga ng pag-aaruga, mga kataga ng pagpaparamdam ng pagpapahalaga sa
aking kalagayan, sa aking katauhan, ay napapahinto ako, napapangiti, at biglang
makakaramdam ng pagbubukas ng puso ko, na tila hinahanap ang puso mo. At kahit
malayo ka sa piling ko, ramdam ko na nagtatagpo silang dalawa, nagdidikit,
nagiging isa, balot ng labis na pagmamahal, pag-aaruga, at kaligayahan.
Oo, maaaring sa mga sandaling iyon ay gutom ang nararamdaman
ng aking tiyan. Pero ang puso, lalo na ang kaluluwa, ay irog, busog sila, busog
na busog. Salamat sa pagpapaalala, at sa pag-aalala.
03june2012sunday11.44a
at dito tayo kumain :) [February 2012 Singapore sa dulo ng Orchard]
*Isa itong dagli na tinatawag, or sudden fiction/flash fiction/short short story in English, or palm of the hand story according to writer Yasunari Kawabata, na dahil sa ikli ng kuwento, kasya siya sa palad mo, literal.
Not exactly fiction as this is more of creative nonfiction (essay), but this is hopefully what I want to do for my PhD sana before when I thought of getting Creative Writing again (sudden nonfiction/flash nonfiction, reinventing a sub-genre as it doesn't practically exist). But well, let's see...
Feedback? Comment away. Let's workshop it. :) And thanks once again to my beautiful muse, for this moment, and then the story. I love you J. Yes, kumain na ko. :)
No comments:
Post a Comment