Hindi ko alam kung bakit pero naging sentimental ako bigla papunta dito sa Maynila ngayon. Habang tina-type ko ito, nakatambay ako sa Starbucks sa baba ng hotel na katapat ng US Embassy. Of course di ko sigurado ang upload time ko nito bilang wala namang free wifi sa Starbuko ever. Puwedeng mamaya pa pag-uwi ko o bukas na pagkagising ko. [ang nanalo: pagkauwi] Pero feel ko pa ring magsulat dahil feeling ko kaninang papunta dito, parang sasabog na ewan ang dibdib ko na di ko mawari. At tulad ng nakagawian ko dati pa, kapag may sasambulat sa katauhan ko, sa ganito ko nilalabas — sa pagsusulat.
Nariyang naalala ko ang dahilan kung bakit memoryang-memorya ko ang daan na ito, ang ruta mula Quezon City papuntang Maynila. Ang una kong girlfriend, ‘yung nag-aral ng law sa San Beda dati, ang nakapagpatatak sa akin sa ruta na ito. Dito siya nagmamaneho papasok sa law school dati. Unang tao siyang inibig ko sa tanang buhay ko kaya maraming maliliit na detalye sa buhay noon ang talagang tatatak sa katauhan ko, dahil nga sa ginagawa at/o dinadaanan ko sila dahil sa tulak o kabig ng pag-ibig. Kahit na, nakakatawa man, di ko na maalala pa ang ilang dahilan o detalye ng aming samahan, lalo na ng aming pag-iibigan, hindi ko pa rin malilimutan ang ilang detalyeng tumatak sa akin noong nagsasama pa kami.
Malilimutan ko rin ba ang kanto na iyan ng Orosa ba o Nakpil? Bocobo yata. Oo, Bocobo, na ang tumbok sa UN Ave ay Holiday Inn. Dati. Di ko pansin kung Holiday Inn pa rin siya ngayon. Pero naalala ko rin pala dati, sa mga panahong naglalayag ako dito dahil ang isa kong ex na abogado ay may appointment yata o anuman sa Dept. of Justice o parang ganun, na nasa malapit lang dito, tumambay muna ako sa isang Delifrance yata na katapat noon ng Holiday Inn nga sa may UN-Bocobo o parang ganung kalye. Tumatawid ako noon, dala ang backpack at mukha pa akong femme na femme, nang may Indiyanong nagtanong sa akin kung nasaan daw ba ang Holiday Inn. Natangahan ako at itinuro ko ang building sa likod niya. ‘Yun pala, iba ang dahilan. “Wanna go there with me?” Tarantadong hayup ka, sa loob-loob ko. Namimik-ap pala ang hayup. Binirahan ko nga ng layas. At saka ako tumambay sa kapihang nagpapanggap na Pranses, para hintayin ko ang ex kong may meeting noong mga oras na iyon.
Siyempre, malilimutan ko rin ba ang isang importanteng paghahabol sa Pride March ilang taon na ang nakakaraan (may dekada na nga yata) kung saan paliku-liko kami sa sasakyan niyang ako ang nagmamaneho, sumu-short cut dahil sa late na late na kami sa Pride March. Na wala siyang ganang puntahan dahil hindi naman daw siya out. Na wala siyang interes na makasama ko ang mga kaibigan kong nagmamartsa. Na wala siyang pakialam kahit importante sa akin ang mga kaibigan kong iyon dahil iilang beses pa lang naman kaming nag-martsa bilang UP Sappho Society, ang grupong kasama ako sa nagtayo. Ironic nga eh. Kung kelan namin itinayo ang out na out na grupo, at saka ako nagpakloseta, para lang makasama siya. Nang limang taon. Hanggang sa natauhan na lang ako, dahil hindi na ako makahinga sa loob. Ayoko na ng ganun. Ayoko na. Gusto kong huminga.
Tulad niyan, isa pang nadaanan: Manila Doctors. Dati, di ko naman napapansin na may ospital pala diyan sa kanto na ‘yan malapit sa Taft. Kasi nga, rumaragasa lang ako lagi papuntang Malate o kaya’y lasing nang babalik at lahat ng madaanan ay blur na lang. Pero isang hatinggabi mga isa o magdadalawang taon ang nakakaraan, rumaragasa rin ako papunta sa ospital na ito nang dahil sa dugo. Blood bank, unang dalaw ko, sinamahan ko ang kapatid ng pinakahuli kong ex, dahil nagmamadali kaming bumili ng dugong kailangan ng ina nilang nakaratay dahil sa kanser. Na kahit ilang bag pala ang bilhin nila, nauwi rin sa pagpanaw ng ina. Sayang at di man lang ako napakilala nang husto sa ina niya noong may sakit. Sabagay, kloseta kasi iyon, pero alam kong alam naman ng nanay niya na kami. Sabi ng kapatid niya, tinanong daw ng nanay minsan kung kami nga ng ate niya. At siyempre, hanggang sa mamatay na ito, wala naman silang naisagot.
Ang labo, ‘no? Kung anu-ano ang naiisip ko, na karamihan ay nakadikit sa lovelife ko pala. Hindi ko alam kung bakit umeeksena ang Maynila nang ganito sa alaala ko, na kaakibat ng mga alaala ng pag-ibig kong nakaraan. Kung anuman ang dahilan at sumagi silang lahat sa isip ko kanina, sa ikli ng paglalakbay na iyon, ay di ko na lang muna aalamin. Basta nailabas ko sila sa dibdib ko, hanggang doon na lang muna ang akin nanamnamin.