23 January 2014

muni-muni ng Maynila moments


Hindi ko alam kung bakit pero naging sentimental ako bigla papunta dito sa Maynila ngayon. Habang tina-type ko ito, nakatambay ako sa Starbucks sa baba ng hotel na katapat ng US Embassy. Of course di ko sigurado ang upload time ko nito bilang wala namang free wifi sa Starbuko ever. Puwedeng mamaya pa pag-uwi ko o bukas na pagkagising ko. [ang nanalo: pagkauwi] Pero feel ko pa ring magsulat dahil feeling ko kaninang papunta dito, parang sasabog na ewan ang dibdib ko na di ko mawari. At tulad ng nakagawian ko dati pa, kapag may sasambulat sa katauhan ko, sa ganito ko nilalabas — sa pagsusulat.

Sta. Mesa pa lang kanina, medyo iba na ang pakiramdam ko. Di ko alam kung ano siya pero parang pinsan ng melankolya ang nararamdaman ko, na di ko rin mawari kung saan galing at mula saan siya hinuhugot. Pagbaba sa Nagtahan Bridge na una kong nadiskubre noong nagmamaneho pa ako ng isa sa mga kotse ng tatay ko noong ‘90s, nagsimula nang sumipa ang nostalgia na di ko pa rin nga mawari kung saan galing.

At pagkanan nito sa papunta ng UN Avenue dito nga sa Maynila, nagsimula nang bumaha ng mga pakiramdam at alaala na di ko alam kung bakit sila biglang bumuhos. 



Nariyang naalala ko ang dahilan kung bakit memoryang-memorya ko ang daan na ito, ang ruta mula Quezon City papuntang Maynila. Ang una kong girlfriend, ‘yung nag-aral ng law sa San Beda dati, ang nakapagpatatak sa akin sa ruta na ito. Dito siya nagmamaneho papasok sa law school dati. Unang tao siyang inibig ko sa tanang buhay ko kaya maraming maliliit na detalye sa buhay noon ang talagang tatatak sa katauhan ko, dahil nga sa ginagawa at/o dinadaanan ko sila dahil sa tulak o kabig ng pag-ibig. Kahit na, nakakatawa man, di ko na maalala pa ang ilang dahilan o detalye ng aming samahan, lalo na ng aming pag-iibigan, hindi ko pa rin malilimutan ang ilang detalyeng tumatak sa akin noong nagsasama pa kami. 

Siyempre mas nahasa sa akin ang rutang ito dahil ito rin ang ruta ko papuntang Malate, ang pugad ng maraming gabing paglalagi mula nang natauhan ako sa tunay kong pagkatao. Dito sa lumang Malate ko naramdaman na may lugar kung saan puwede kang gumala at walang gagalaw sa iyo kahit kakaiba ka sa tinaguriang “normal.” Ilang mga paglalayag din dito sa Malate ang ginawa ko noong kasagsagan ng 20s ko, na kay tapang kong magmaneho pauwi sa Quezon City matapos maging lango sa pag-inom ng bagu-bagong beer noon na San Mig Lite, na inom na lang ang nagiging kinakauwian ng sana’y landian sa kapwa babaeng di sumusubok maging mapusok. Beer ang best friend namin noon. Iyon ay kung wala kaming baong bote ng Absolut vodka sa sasakyan ko na ginagawan ng anumang concoction ng kabarkadang kapwa film major noon. 

Siyempre kung anu-anong kabulastugan at kagagawan ang naalala ko rin kasama ang barkada kong iyon, mga kasing-topak ko mula sa MassComm, mga taong di nabubuhay kung di nakakanood ng pelikula. Ilang beses din naming inikot-ikot ang Maynilang ito, para dumiskubre ng kung ano pa ang puwedeng diskubrehin dito, at kung anuman ang magpapadiskubre sa amin. Tulad ng unang beses kong nadiskubre kung gaano pala kahirap mawalan ng wallet dahil sa pagsunod-sunod (okay, stalk) sa isang magandang babaeng natipuhan ko. Na nakita ko bigla sa isang TV commercial ilang buwan ang makalipas. At ilang taon ang lilipas ay ipapakilala pala siya sa akin backstage sa isang theater production kung saan siya ang isa sa mga bida. Diyaske talaga ako magka-crush noon, sa mga sikat o sumisikat sa paglaon. Oh well papel. Memories. Walang nangyari sa amin kasi kinasal siya noon sa isang artistang lalaki. Hiwalay na sila ngayon, pero di ko na alam kung nasaan na si ati ngayon. Lesson learned: huwag ilalagay ang wallet sa back pocket kapag susubukang lumandi sa Orosa at Nakpil.

Nang nakaliko na nga ang taxi kanina sa UN Avenue proper, dito pa ako dinagsang muli ng ilan pang alaala ng lugar. Bakit nga ba ako nakakaalala ng nakaraan? Nadaanan ko ang Pius building na parang dorm, sa pagkakaalala ko, dorm ng best friend ng una kong ex na babae sa law school. Dinalaw o hinatid namin siya dito noon, at nanood pa nga yata kami ng play na gawa ng dormmates niya. Di ko sigurado. Pero sigurado ako na naalala ko rin ang isang kalye, San Marcelino ba o parang ganun, na doon naman nakatira dati ang isa kong matalik na kaibigan, kaibigang lalaking bi pero may fiancee na babae noong panahong iyon. Dito kami sa apartment nila dati sa San Marcelino o saan man tumatambay, nakiki-party kung may party. May asawa na ang fiancee niya na iyon, pero ang kaibigang bi guy ang hindi naikasal sa kanya, sa kung anumang kadahilanan. Hindi ko na inaalala pa ang kaibigang iyon ngayon pero naaalala ko ang mga kaganapang ito ng aming kabataan.

At dahil sa kabataan, ayan at naalala ko rin ang pinakabata kong naging girlfriend. Napadaan na kami ng taxi sa Assad o sa linya na iyon ng mga Indian restaurant at tindahan. Mahilig kaming pumunta dito at mag-food trip ng ex ko na iyon tuwing nagpapasama ako sa kanya sa opisina ng diyaryong pinagsusulatan ko ng column noon para kumuha ng tseke. Tapos kakain nga kami sa Indian carinderia. Tapos bibili ng anumang mapag-trip-an sa Assad na Indian products. Kaya naalala ko siya nang dumaan ako dito sa hilerang ito. 

Na ngayon ay naaalala ko rin siya, ngayong nakaupo ako sa tapat ng embahada. Birthday niya noong appointment ko para sa visa application interview dito, para pumunta sa New York para sa isang conference. Taunang malas at taunang suwertihan ang pag-approve ng US visa. Alam ng mga Pilipino iyan. Pero sabi nga ng batang ito — ang pinakabata kong naging girlfriend sa buhay ko — ay siya daw ang lucky charm ko kaya nabigyan ako ng 10 year multiple entry visa noong araw na iyon ng birthday niya, ilang taon na ang nakakaraan. Wala rin namang nangyari sa relasyon naming iyon, dala na rin kasi ng kabataan niya, na nagdulot ng mga walang kasiguraduhang aksiyon sa buhay niya. Muli, di ko na nga masyadong maalala ang mukha niya, ang hubog ng katawan niya, ang amoy ng balat niya, pero naaalala ko pa itong mga maliliit na detalye ng usapan namin sa mga lugar na ito.



Malilimutan ko rin ba ang kanto na iyan ng Orosa ba o Nakpil? Bocobo yata. Oo, Bocobo, na ang tumbok sa UN Ave ay Holiday Inn. Dati. Di ko pansin kung Holiday Inn pa rin siya ngayon. Pero naalala ko rin pala dati, sa mga panahong naglalayag ako dito dahil ang isa kong ex na abogado ay may appointment yata o anuman sa Dept. of Justice o parang ganun, na nasa malapit lang dito, tumambay muna ako sa isang Delifrance yata na katapat noon ng Holiday Inn nga sa may UN-Bocobo o parang ganung kalye. Tumatawid ako noon, dala ang backpack at mukha pa akong femme na femme, nang may Indiyanong nagtanong sa akin kung nasaan daw ba ang Holiday Inn. Natangahan ako at itinuro ko ang building sa likod niya. ‘Yun pala, iba ang dahilan. “Wanna go there with me?” Tarantadong hayup ka, sa loob-loob ko. Namimik-ap pala ang hayup. Binirahan ko nga ng layas. At saka ako tumambay sa kapihang nagpapanggap na Pranses, para hintayin ko ang ex kong may meeting noong mga oras na iyon.



Siyempre, malilimutan ko rin ba ang isang importanteng paghahabol sa Pride March ilang taon na ang nakakaraan (may dekada na nga yata) kung saan paliku-liko kami sa sasakyan niyang ako ang nagmamaneho, sumu-short cut dahil sa late na late na kami sa Pride March. Na wala siyang ganang puntahan dahil hindi naman daw siya out. Na wala siyang interes na makasama ko ang mga kaibigan kong nagmamartsa. Na wala siyang pakialam kahit importante sa akin ang mga kaibigan kong iyon dahil iilang beses pa lang naman kaming nag-martsa bilang UP Sappho Society, ang grupong kasama ako sa nagtayo. Ironic nga eh. Kung kelan namin itinayo ang out na out na grupo, at saka ako nagpakloseta, para lang makasama siya. Nang limang taon. Hanggang sa natauhan na lang ako, dahil hindi na ako makahinga sa loob. Ayoko na ng ganun. Ayoko na. Gusto kong huminga.

Parang ngayon. Gusto kong huminga. Kaya ako nagsulat. Dahil ang pagsusulat ay paghinga. Kaya narito ako ngayon, nagtitipa.

At speaking of pagtitipa, itong patambay-tambay ko na nagsusulat sa kapihan kasama ang computer, ginagawa ko rin ito kasama ang una kong ex. ‘Yung hinahatid ko nga sa law school. Naalala ko ang mga panahong nagsusulat kami sa mga kapihan, siya nag-aaral at ako ay nagsusulat ng mga obra. Diyan sa isang teatro dati, nagawi rin kami. Nag-teatro rin kasi siya, kaya kasama sa muni-muni ko ang mga araw na sinasamahan ko siyang tumambay sa Philamlife Theater. Dito rin iyon dati, sa UN Avenue nga, kasi dito tinanghal dati ang dalawang play niya, kasama sa tropa nina Anton Juan, na barkada namin noon sa UP Writers Workshop sa Baguio kung saan kami nagkakilala. Litratista at videographer tuloy ako ng mga dula. At naaalala ko ang mga panahong iyon dahil unang beses kong sumabak na kumuha ng litrato at video ng isang dula. Na nakakatuwa. Hay, ang daming alaala, sa kalyeng ito lang. Paano pa kaya sa ibang bahagi? Sa mga gusali na pati. 



Tulad niyan, isa pang nadaanan: Manila Doctors. Dati, di ko naman napapansin na may ospital pala diyan sa kanto na ‘yan malapit sa Taft. Kasi nga, rumaragasa lang ako lagi papuntang Malate o kaya’y lasing nang babalik at lahat ng madaanan ay blur na lang. Pero isang hatinggabi mga isa o magdadalawang taon ang nakakaraan, rumaragasa rin ako papunta sa ospital na ito nang dahil sa dugo. Blood bank, unang dalaw ko, sinamahan ko ang kapatid ng pinakahuli kong ex, dahil nagmamadali kaming bumili ng dugong kailangan ng ina nilang nakaratay dahil sa kanser. Na kahit ilang bag pala ang bilhin nila, nauwi rin sa pagpanaw ng ina. Sayang at di man lang ako napakilala nang husto sa ina niya noong may sakit. Sabagay, kloseta kasi iyon, pero alam kong alam naman ng nanay niya na kami. Sabi ng kapatid niya, tinanong daw ng nanay minsan kung kami nga ng ate niya. At siyempre, hanggang sa mamatay na ito, wala naman silang naisagot.



Ang labo, ‘no? Kung anu-ano ang naiisip ko, na karamihan ay nakadikit sa lovelife ko pala. Hindi ko alam kung bakit umeeksena ang Maynila nang ganito sa alaala ko, na kaakibat ng mga alaala ng pag-ibig kong nakaraan. Kung anuman ang dahilan at sumagi silang lahat sa isip ko kanina, sa ikli ng paglalakbay na iyon, ay di ko na lang muna aalamin. Basta nailabas ko sila sa dibdib ko, hanggang doon na lang muna ang akin nanamnamin.

Palagay ko, ibang uri ng pahinga ang nais ng aking kaluluwa. Kaya siguro ako kinakating umalis. Kinakati akong layasan ang Maynila ngayong taon, saglitan o pangmatagalan, di ko pa alam. Pero ang alam ko, parang kailangan ko muna siyang iwanan. Parang may kailangan pa akong ipagpag, sa malayo. At may kailangan pa akong itaktak, mula sa kaibuturan ng aking pagkatao. Na parang hinding-hindi ko magagawa kung ako ay nasa Maynila. Alam mo ‘yon? Minsan may ganung pakiramdam. Geographical cleansing. Hindi ko alam kung iyon nga ang tawag doon. Pero sa ngayon, ito lang ang nararamdaman ko.

Ayan, nailabas na. Sige, puwede na sigurong magpahinga. Saglit.

No comments :

Post a Comment