17 January 2021

an opening of closures

Sa pagbubukas ng taon, marami rin ba ang magsasara?

Malamang, oo. Sa paligid ko, dalawang tindahan ang nakita kong nagsara. O isa lang pala, dahil iyong isa ikinagulat ko na lang na nawala na.

May sari-sari store dito sa may condo kung saan ako nakatira. Nakakatawang konsepto, sari-sari store, pero sa condo. Puwede na rin. Ganoon kasi ang dating ng tindahan ni Ate Vangie, na nagsimula itong kainan sa pagkakaalala ko mula nang lumipat ako dito noong huling bahagi ng 2000s. Wow, huling bahagi. Ang tagal na pala noon, ano. 

Hindi ko maalala kung kailan naging tindahan itong tindahan, pero convenient siyang puntahan lalo na't bibili ka ng load mapa-card man o 'yung pinapadala diretso sa cellphone. Card ang lagi kong kinukuha. Minsan, mga emergency supplies din na bigla kang nauubusan at may mini-krisis sa kusina. Nawalan ng catsup, baba. Nawalan ng evap pang-kape, baba. Nawalan ng suka, baba. 'Yun lang naman actually. At minsan, napapabili rin ng kung ano-ano. Kahit dumating na ang 7-Eleven sa kabilang building, dito pa rin ako kay Ate Vangie minsan kasi mas malapit. Mas convenient. At saka mas gusto kong tulungan ang mga maliliit na entrepreneur kaysa sa mga multinationals. Kalakarang kalye na rin siguro, bilang laki ako sa sari-sari store sa mga kalye kaya ayun, doon ako sanay.

Nagulat ako noong isang linggo, kakapasok lang ng taon. Bumaba ako para nga bumili ng suka, ano pa. Mga nakakalimutang bumili sa grocery run, o hindi pa kasi sked ng run, kaya pantawid ang ganito. Natigilan talaga ako nang makita kong wala nang laman ang unit na inookupa ng tindahan. Wala na si Ate Vangie. Hanggang sa pagtatapos lang pala ng taon siya nanatili, at hindi na sinimulan pa ang taon dito. Umalis na rin siya pagkaalis ng 2020. Saklap.

Napadaan sa tindahang sarado. 
Wala na ang suki.


Ewan ko ba pero nagitla talaga ako, natigilan. Marahil hindi na ako ganoon kasanay makita ang mabibilis na palitan ng mga tindahan dito o business. O baka kasi mas may koneksiyon ako dito kay Ate Vangie, na minsa'y akala ko hindi na makakabalik dahil na-stroke siya, talagang ngumiwi ang mukha niya at mahinang kumilos pero pilit na nagmanman ng paninda. Lahing Tsinoy si ate, sa tingin ko, baka kasingtanda ng nanay ko o malapit sa edad na iyon, lampas senior. Mabait siyang kausap, napapakiusapan pati, pero hindi madaldal masyado tulad ng ibang tindera sa tindahan. Sakto lang. Sapat.

Sayang.

Ito namang isang tindahan, minsan kong nabilhan ng marami-rami ring mga maliliit na muwebles, ilan ay para dito sa bahay ko, karamihan para doon sa bahay ng ex ko, para sa amin doon at sa mga anak niya. Malaki-laki rin ang nagastos ko sumatutal, pero lahat ng pinamili ko malamang lumutang na naman sa bahay nila noong Ulysses na baha. Dito sa akin, buo pa ang dalawang side table at isang bookcase na may salamin. Puwede na.

Ewan ko kung bakit hindi ko agad naisip na pumunta dito sa Crystal Lamp and Furniture store, pero ang tawag ko dito ay Anaishere, kasi may malaking trapal doon na nakalagay ang litrato ng may-ari, si Ana na parang tita age na upper middle class na Tsinoy din ang aura, tapos nakalagay "Ana is here" bilang reference yata sa lagi siyang hinahanap siguro sa isa pang furniture store na malapit lang doon sa kanya, sa kahabaan ng A. Bonifacio Ave na main road papasok at palabas ng Marikina. Dati yata siyang kasama sa Nemie Furniture, 'yun ang nasagap ko. Pero hindi ko sigurado siyempre. Context clues na lang base sa kuwento niya noong naroon ako at namimili kasama ng ex ko. At may pa-queer kindat pa nga siya sa pagkakaalala ko, may sharing din slight na openminded siya at mukhang supportive. Hindi ko na maalala ang ibang detalye, pero sabihin na lang nating natutuwa siya sa akin/amin at ally siya. 

Got this TV rack at half the price,
originally around 7k, I think.
Super-bargain! Closing out sale na pala.

Kaya nang pumunta akong muli after how many years, nagulat akong nakilala niya ako kahit may facemask ako. Last day na pala niya, magsasara na talaga. Buti naabutan ko pa, at nakapagpagawa pa ako ng inaasam kong bibilhin sana sa ibang malalayong furniture store pa. May isa ring naka-sale doon na kinuha ko na on the spot. Super bargain kasi. Kaya natuwa naman ako at nakakuha na naman ako ng mga maaasahang muwebles na galing lang din dito sa mga entrepreneur na sariling sikap imbes na sa mga SM-SM.

Siguro ganoon nga talaga minsan, may mga lugar na di na kakayanin kaya isasara na. May kalakarang hindi na kayang patakbuhin kaya ihihinto na. Nalulungkot lang ako na sa mga maliliit na negosyante ito nangyayari, at sa panahon pa ng pandemya talaga. Sad indeed.

Siguro affected lang ako dahil mabait ang mga taong ito sa akin. Kebs lang naman ako kung iba ito. Pero kasi, mababait sila, parang tita ko sila, may alaga, may paki, at hindi lang dahil bebentahan ka nila o bumibili ka sa kanila. There's something beyond that initial negotiation sometimes with people, and I felt that with these two women. Sayang.

Suki. That's the Filipino word for it. Suki kasi sila, suki ako. I don't even know if this word has an English translation. Customer doesn't cut it; it's deeper than that, and more meaningful to boot. Times like these I love our language. Mas maraming salitang mas niyayakap ka nang parang tao. May ganung factor. Para sa akin, at least.

Suki. Wala na ang dalawa kong suki. Di ko alam kung mapapalitan. Pero siyempre, iba na rin ang papalit. Ibang karakter, ibang kalakaran, ibang pakiramdam. Siguro, isasama ko na lang sila sa talâ ng mga nawala o nagsara sa buhay. Marami-rami na rin iyon, kung mula pa sa pagkabata ko titingnan. 

It's funny how this year opens with many closures. It's sad, actually. With what's still happening with the world, I hope the smaller people won't be affected like this much. But I know that's more of hopeful thinking than anything. Still, it's good to hope. Sometimes that's all we have to hold on to. Hope.

Hope for no more closures, perhaps. Closures due to loss. And hope for things to get better soon.

Please, universe?

Please.


No comments:

Post a Comment