03 June 2012

Nalipasan


Nalipasan*  

Naaalala ko ‘yung mukha mo, seryoso, nakakunot ang noo nang bahagya, malapit nang magsalubong ang kilay pero medyo pataas pa rin, na parang magsasalubong di dahil sa galit kundi dahil sa pag-aalala, pag-aalala nang dahil sa pag-aaruga, aruga sa tangan-tangan mong kamay ng nilalang sa iyong tabi, hawak-hawak mo sa kamay habang lumilingon-lingon ka sa paligid at nag-iisip, kaya kunot ang noo, dahil gumagana ang utak mo, naghahanap, bahagyang nababalisa rin, dahil sa pinararamdam ng puso mo sa utak mo, na nakikita ko sa iyong napakagandang mukha. Mukha ng pag-aalala, pag-aaruga, at pagmamahal, sa nilalang na iyong tangan – ang nilalang ay ako. At iyong nabanggit, nang buong pagmamahal, pag-aalala dahil sa nagmamahal ka, nang iyong sinabing “Gutom na ang mahal ko...” sabay hanap sa paligid ng solusyon sa tila maliit nating sitwasyon – ang gutom ko – pero parang malaking bagay para sa iyo, dahil sa ika’y nag-aalala, sa aking kalagayan – ako, ang iyong bagong mahal – na sa mga sandaling iyon, ay ayaw mong mapabayaan, ayaw mong malipasan ng gutom man lang, kahit panandalian, dahil ganito ka magpakita ng iyong pag-aalaga, ganito ka magparamdam ng iyong pag-aaruga.

Ganito, mahal, ganito mo ako kamahal, na kahit isang saglit lang ng di naman mabigat na sitwasyong aking maranasan, aking maramdaman, ay agad-agaran mong nais bigyan ito ng solusyon, ng sagot, ng pagtatapos sa nararamdamang mumunti at panandaliang karamdaman. Sa ilang segundo na iyon, sa isang sulyap kong iyon sa iyo, sa ilang hakbang na nilakad natin, sa ilang sandaling magkadikit ang ating mga balat, magkahawak ang mga kamay, tinuldukan natin ang pagiging magkakilala bilang kaibigan, at sinimulan natin ang pakiramdaman ng dalawang nagmamahalan, sa pamamagitan ng pag-aaruga sa mga mumunti pero mahalagang panahon na magkasama tayo, mga panahon at pagkakataong magiging ginintuan pala, sa paglaon, dahil sa bibihira tayong magkaroon ng maraming pagkakataon, ng mga pagbababad sa esensya ng isa’t isa, sa pagliliwaliw nang oras-oras, araw-araw, lagi-lagi, dahil wala pala tayong magiging lagi-lagi, segu-segundo, tulad ng ibang magsing-irog sa paligid, dahil dala ng pagkakataon at pangangailangan ay kailangang mawalay tayo sa isa’t isa, at handa sa pagtitiis ng di nasisilayan ang mukha sa tuwing gigising, pagtitiis na di nahahagkan ang mga labi tuwing nais natin ng isang halik, pagtitiis na di tayo abot-kamay kapag nais natin ng kayakap, mga ganitong bagay na di na pansin ng mga magsing-irog tulad natin na sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay di na naiisip na mahalaga ang mga maliliit na bagay-bagay na ito. Pero para sa ating kailangang manirahan nang magkahiwalay ay ramdam na ramdam natin ang kalayuang ito, ang kawalang ito, at ang kalungkutang ito na ramdam ng ating mga kaluluwa sa tuwina.

Kaya nagiging mahalaga ang maliliit na eksenang ganito, makabagbag-damdamin ang mga pagpaparamdam ng mumunting pag-aaruga na ganito, at nagiging makahulugan ang isang simpleng gawaing di na pinag-iisipan pa ng karamihan sa pang-araw-araw. Iba kasi sa atin, di ba mahal, ibang-iba, kaya sa tuwing naaalala ko ang pagbanggit mo ng mga simple pero makahulugang katagang iyon, mga kataga ng pag-aaruga, mga kataga ng pagpaparamdam ng pagpapahalaga sa aking kalagayan, sa aking katauhan, ay napapahinto ako, napapangiti, at biglang makakaramdam ng pagbubukas ng puso ko, na tila hinahanap ang puso mo. At kahit malayo ka sa piling ko, ramdam ko na nagtatagpo silang dalawa, nagdidikit, nagiging isa, balot ng labis na pagmamahal, pag-aaruga, at kaligayahan.  

Oo, maaaring sa mga sandaling iyon ay gutom ang nararamdaman ng aking tiyan. Pero ang puso, lalo na ang kaluluwa, ay irog, busog sila, busog na busog. Salamat sa pagpapaalala, at sa pag-aalala.  


03june2012sunday11.44a

 at dito tayo kumain :) [February 2012 Singapore sa dulo ng Orchard]


*Isa itong dagli na tinatawag, or sudden fiction/flash fiction/short short story in English, or palm of the hand story according to writer Yasunari Kawabata, na dahil sa ikli ng kuwento, kasya siya sa palad mo, literal.

Not exactly fiction as this is more of creative nonfiction (essay), but this is hopefully what I want to do for my PhD sana before when I thought of getting Creative Writing again (sudden nonfiction/flash nonfiction, reinventing a sub-genre as it doesn't practically exist). But well, let's see...

Feedback? Comment away. Let's workshop it. :) And thanks once again to my beautiful muse, for this moment, and then the story. I love you J. Yes, kumain na ko. :)

No comments :

Post a Comment