02 October 2008

and i know it's not just procrastination

nagkaroon ka na ba ng panahong gusto mo lang tumakas sa lahat?

takas sa realidad mo, takas sa realidad ng paligid mo, takas sa trabaho, takas sa gawain, takas sa mga taong siraulo, takas sa mga taong nagpapasira ng ulo mo, takas sa lahat.

takas sa lahat.

nakakapagod. mukhang pagod pa nga yata ako sa mga kung anu-anong kaganapan mula pa noong namarkahan ang kalahati ng taong ito. mula nang pumasok ang semestre. mula nang kumalas ako sa isang relasyon. mula nang sumipa ang kulminasyon ng isang taong mahigit na tinatrabaho. hanggang ngayong magtatapos na ang semestre, natapos na ang kulminasyon ng trabaho at natapos na ang pagluluksa at pag-iyak sa namatay na pakiramdam, nararamdaman ko pa rin ang pagod, pagod na noon noon ko pa pala natamo, at ngayon lang nagpaparamdam ng husto. ng hustong-husto.

bakit ganun?

may panahon bang gusto mo lang manatili sa bahay, tumulala sa may bintana at tumanaw sa labas, matulog nang matulog, huwag tumayo sa kama? ganun kasi ang pakiramdam ko ngayong mga nakaraang araw. gusto ko lang magtago dito sa loob ng santuwaryo ko. magtago. magbasa. magkape. mag-internet. manood ng dvd. mag-order ng takeout. matulog. mag-muni-muni. nang paulit-ulit. paulit-ulit...

ang hirap namang magtago at tumakas kung wala kang pera. kaya kahit paano, lalabas at lalabas ka para gumawa ng mga paraan para ka magkapera. pero kapag nagawa mo na ang mga iyon, panibagong uri ng pagkapagod na ang mararadaman mo, na dadagdag sa kapagurang nariyan na at nananalaytay na sa kaibuturan mo sa kasalukuyan.

hay, ang hirap.

paano kaya ito?

kailangan kong mawala muna at magtago, pero... bahala na.

siguradong bibihira lang ang makakaintindi ng pinagsasasabi ko ngayon dito. kaya paumanhin na sa mga naaalpasan ng muni-muni. may kung anong talinhaga ang dumapo sa lola niyo ngayong gabi at... eto, kinain ako ng buong-buo.

kakapagod. sobra. hay...

mabuti na lang at may mga nang-aaliw sa akin ngayon. suwerte-suwerte rin. hindi rin ito ang dahilan ng pagtakas sa lahat, pero nagpapasalamat ako na naiintindihan nila ang ibig sabihin ng nais kong gawin. puwede na iyon. puwede na. kahit saglitan lang. okay na.

mabuti na lang din at nariyan ang mga tunay na kaibigang kahit minsan ay naglalahong parang bula e sumisipot nang bigla-bigla sa mga oras na di mo aakalain. hihilahin ka, yayakagin, paplanuhin ang buhay mo nang walang pagkonsulta sa iyo na hindi mo matatanggihan. salamat, salamat sa lahat.

hay... tignan natin. ewan kung ano ang susunod sa kabanatang ito. basta ang importante... paminsan-minsan, sa gitna ng kapagurang ito, ay napapangiti ako ng isang hirit, salita o paalala. puwede na. puwede na rin. mainam kung masusundan ito ng haplos, yakap o pagkalinga. sana, sana naman.

bahala na. bahala na bukas.

pahinga muna ko.


1 comment:

  1. grabe sa mood swing ah. ndi ka pa naman siguro menopausal. :D but then what do i know. maybe burnout? don't worry, you'll get up when you're ready. for now enjoy the wisdom of slow.

    ReplyDelete