may bagong pool table ang kapitbahay namin dito sa tapat ng apartment. gabi-gabi, naririnig ko ang pagdikit ng tik at tak bago mag-wooshk ang bola sa gilid ng mesa. phthk minsan ang tunog niya, malamang napakapal ang tisa sa dulo ng istik at umiskid sa gilid ng makintab na eight ball o nine, depende sa laro nila.
naiingit ako kasi gabi-gabi kong naririnig ang laro ng billiards ng kapitbahay ko. masama pa't natatanaw ko sila ng bahagya dahil sa nasa ikalawang palapag ako tuwing gabi at sila ay nasa una at bukas na garahe.
sa umaga naman, ang larong naririnig ko ay mula sa mga bata dito sa kapitbahay ko sa compound ng apartment na di ko mawari kung bakit pero ang laro nila ay patungkol sa eskuwelahan. naririnig ko ang mga hirit na "o, prayer position" at "ikaw ang grade 2, siya ang grade 1" tapos "ako ang magba-bayang magiliw!" sabay labas ng mga kuwaderno, krayola, lapis at bag na pampasok nila sa eskuwelahan. hindi ko alam kung malulungkot ako sa mga batang ito dahil sa di sila pinapayagan maglaro sa labas ng kalye para mag-patintero o tumbang preso man lang, o chinese garter tulad ng mga laro namin noong ako ay kasing-edad nila. ni wala na nga yatang naglalaro ng siyato / shato ngayon sa mga kalye ng maynila. malamang di na alam ng mga kabataan ngayon kung ano at paano laruin iyon.
kapag lumisan na ako sa lugar na ito, siguro nag-aagaw na lungkot at saya ang mararamdaman ko dahil sa maiiba nang husto ang mga tunog na maririnig ko sa aking kapaligiran. wala nang sisigaw bigla ng "wowoweeeeee!" tuwing tanghali tulad ng ginagawa ng batang may down syndrome dito sa tabing bahay ko. wala na rin sigurong malakas na boses na magpapakitang-gilas na kausap niya ang bossing niya sa telepono tuwing holiday. wala na ring mga batang malakas ang boses na akala nila ay di sila naririnig nguni't naririnig kong tinatanong nila sa nanay nila tuwing dadaan ako sa pintuan nila na "mama di ba siya yung nakatira sa sebentinayn-see?" at lalong wala nang mga tunog kalyeng maririnig mo sa araw-araw dulot ng mga tinderong may dalang tinda, o mga kandidatong ninakaw ang melodya ng hagibis at ginawang campaign election jingle para maipaalam sa madla na sila ay kumakandidato at dapat paniwalaan mo dahil di sila mangungurakot. sige lang...
mawawala na rin ang pagbubunganga ng isang ale dito sa tabing bahay ko na tuwing alas-nueve ng umaga ay parang on cue na kakausapin ang mga kalalakihang ander sa kanya sa bahay nila. mawawala na rin ang panaka-nakang sigaw ng mga di ko maaninag na karakter at di ko alam kung bakit nila nais pumasok sa compound.
mawawala na rin ang maingay na ugong ng mga bandang pasaway na kasalukuyang may gig sa 70s bistro. yung tipong tatapat pa ang gig nila sa gabing nais mong matulog ng bago mag-hatinggabi pero biglang uugong ang tunog ng gitara nila. gusto mo tuloy itanong na "akala ko ba ang pangalan ng banda niyo ay silent sanctuary?"
nakikini-kinita ko na, na kapag umalis ako dito, mawawala ang ugong ng bintilador at baka mas mapalitan ng ugong ng aircon. ayoko yata iyon. iba ang kaledad ng ugong nila, at mas nanaisin ko pang marinig ang ugong ng bintilador kahit anong oras o init... tignan natin.
ayoko na ring makarinig ng mga pusang nag-aaway o naglalambingan o naglalampungan. kahit mahal ko ang pusa, hindi ko na yata maatim na magkaroon ng alagain sa susunod kong titirhan. ako na lang sana ang kaisa-isang alagain doon. kaya di ko na rin maririnig ang pag-purrrrrr ng dibdib nito habang kayakap ko siya tuwing darating ako sa bahay at kakantahan ko siya ng kantang kasalukuyang tumutugtog sa mp3 player kong suot pagkadating -- sa kanyang kasawiang-palad.
mabuti na rin dahil hindi na ako makakarinig ng pagbukas ng telebisyon ng alas-sais ng umaga para manood ng isang pang-umagang programa habang ako ay kasalukuyang umaarangkada pa lamang ang pagkatulog. nakakaistorbo kasi ito sa tuluyang daloy ng aking pahinga, dahil sa mhga alas-tres ako nakakatulog halos. parusa di ba?
importante para sa akin ang mga tunog na naririnig ko sa kapaligiran. nakakatulong ito sa dikta ng damadamin at muni-muni ko kahit nasaan man ako. minsang itinanong ko sa klase ko kung ano'ng sense ang okay lang sa kanilang mawala. sagot ko, hindi ko yata alintana na mawalan ng pangramdam basta naroon pa ang pandinig at pangtingin ko. tunay na awdyobiswal. pero ayoko ring mawala ang panlasa ko, dahil tunay sa pagkatao ko ang pagiging isang gourmand na mahilig kumain na di lang pang-alis ng gutom.
naiintriga lang ako dahil iniisip ko kung ano'ng klaseng mga tunog ang maririnig ko sa susunod kong tirahan.
abangan.
No comments:
Post a Comment