matagal-tagal na rin akong di nakakasulat dito kaya minarapat kong magsulat ng kahit kaunti ngayong gabi, lalo na't nawala na sa kandungan ko pansamantala (hay salamat) ang isang mahilig magpakandong diyan... ang aking kuting na si em-em.
medyo sumambulat ako kaninang umaga sa di inaasahang kadahilanan at sa gawaing iyon, nakasakit ako ng isang nilalang na aking pinakaiingatan. humingi na ako ng paumanhin at nagkaintindihan na kaming muli, pero natakot akong baka umulit na naman ang ganoong kabanata kaya napaisip ako...
paano nga ba iiwasan ang mga panandaliang sambulat ng emosyong negatibo? ito ang lagi kong kinakaharap na demonyito sa mga nakaraang linggo. kadalasan nama'y natitiis ko ito at di siya lumalabas. pero bakit kaya ngayon ay madalas siyang magparamdam?
minsan naiisip ko, kasi maraming hunghang sa paligid ko. maikli ang pasensiya ko sa mga hunghang sa paligid, lalo na't katrabaho mo sila. kapag mabait ka sa kanila, aabusuhin ka. kapag salbahe ka sa kanila, itsitsismis ka nila sa buong lupalop ng opisina. paano na kaya ang pakikitungo sa ganitong mga nilalang? hay kay hirap. baldado't pilay ka na nga dahil hunghang sila, ganiyan pa ang gagawin nila. numinipis tuloy anpang-unawa mo at umiikli lalo ang pansesiya mo bilang tao sa kabuuan. hay buhay...
kaya minsan, nais ko na lang maglagi sa bahay ko, kung saan nakakaramdam ako ng panandaliang kapayapaan ng isip at kaluluwa, malayo sa mga hunghang. may internet naman at cable tv kaya alam ko pa rin ang nangyayari sa labas ng bahay, bansa at mundo. marami namang kainan sa tabi-tabi kaya di ako magugutom. ayoko yatang lumayo sa panandaliang santuwaryong ito. kahit sandali lang.
kaya lang, kelangan na namang lumisan. hindi na maganda sa katawan at kalusugan ang kinalalagyang ito kaya kailangan na namang kumilos...
hay buhay.
*
sa ibayong balita, nagugulat lang ako sa mga naririnig ko sa tabi-tabi ukol sa mga kaibigang naghihiwalayan sa pagiging magka-ibig-an. pero sadyang ganyan ang buhay. kahit itinali ng diyos at binasbasan ng batas ang isang samahan, kung di na talaga ukol ay di na bubukol. kaya kailangan nang lumargang muli at maglayag. siyempre madaling sabihin pero mahirap gawin. pero naniniwala ako sa tibay ng damdamin ng mga kaibigan kong ito kaya siguradong makakabangong muli ito.
minsan ganyan talaga. may pag-iibigang kailangang tapusin na, lalo na't kung di na akma sa ugali at panahon. kailangan talaga nating tanggapin na walang sagradong samahan. walang ugnayang pinagtitibay ng panahon. walang pagniniig na pangangatawanan ng tadhana. walang kasunod ang happily ever after. ang maniwala sa ganyang konsepto ay isang ligaw na nilalang na nabubuhay sa loob ng isang mito. kailangan nating magising lahat. nakakabaliw ang makulong sa konseptong laging ibinebenta sa atin ng midya sa tulong ng pasko at balentino. pinanganak kang nag-iisa -- kahit may kakambal ka, isa-isa pa rin kayong lalabas -- at magtatapos din ang buhay natin nang nag-iisa (di ka naman dadamayan ng mga kamag-anak o kaibigan mo diba, na sasamahan ka nila at mamamatay din sila kasabay mo).
*
sa ibang ibayo naman, ang matalik kong kaibigan noong haiskul ay naghahanda na sa kanyang nalalapit na kasal. nais ko siyang batiin ng malugod pero di ko magawa dahil di ako naniniwala sa konsepto ng kasal. ipagdarasal ko na lang sa mga diyosa na nawa'y maging masaya ang buhay niya kasama ang lalaking napili niyang pakisamahan habambuhay. at sana'y walang magkasakitan sa kanila.
*
nitong mga nakaraang linggo at araw, may mga kahuntahan ako tungkol sa depresyon. naalala ko tuloy ang isang sesyon naming magkakaibigan sa sunken garden kung saan nag-usap-usap kami tungkol sa sabjek na ito. nakakagulat pero nakakakalma ring isiping lahat pala kami halos ay tinatamaan nito. at sa tulong din ng isa sa amin na talagang seryosong kinaharap ito sa isang bahagi ng buhay niya, nalinawan kami sa maraming isyu at istigma n patungkol dito.
minsan tuloy, naiisip kong wala talagang nilalang ang makakaintindi ng hangganan ng sakit na ito. oo, sakit siya pero tulad ng sinat, di ganoon apektado ang lahat at minsanan lang kung dumating. o kaya'y parang sipon na minsan wala naman pero minsang paggising mo ay ayaw kang tantanan.
kung may katuwang ka sa buhay ay dapat handa siyang intindihin ang iba't ibang pasakalyeng pagdaraanan mo bilang nilalang na may ganitong minsanang karamdaman. dahil kung hindi, lalabas ka lang na mababaw, tinotopak na walan saysay o nagkakatoyo nang walang pakundangan -- na hindi naman talaga. malakas kasi ang diskriminasyon sa kultura natin laban sa mga taong nakakaramdam ng depresyon. maraming bansag. sabi nga ng kahuntahan ko, "sira ulo" ang laging binyag. at dahil kay miriam santiago dati, "brenda" (brain damage) naman ngayon. napakabaluktot na pananaw pero ganoon tayong mga pinoy kadalasan -- mapanghusga.
kaya dati ay natutuwa ako tuwing may paambong raket sa akin ang isang batikang direktor diyan na nagpapasulat ng talumpati tungkol sa mga ganitong sabjek. nakakatulong sa pang-unawa ko ang pananaliksik na ginagawa ko para sa kanya. syempre masaya rin dahil maganda ang bayad niya :)
nakupo at narito na naman ang kuting. saglit.
*
sa pagtatalon-talon ko sa mga blog ng iba't ibang kaibigan, sakto namang natagpuan ko ang isang tulang akma sa sinusulat ko. at isa sa pinakapaborito kong tula. sinulat ni ruth mabanglo. pinamagatang "kung ibig mo akong makilala."
gusto ko ang tulang ito dahil sa huli niyang mga linya:
kung ibig mo akong kilalanin
sisirin mo ako hanggang buto
liparin mo ako hanggang utak
umilanglang ka hanggang kaluluwa --
hubad ako roon: mula ulo hanggang paa.
kung hindi ka kikilabutan riyan, ewan ko na lang. wala ka sigurong kaluluwa.
naalala ko nung sa wakas ay natagpuan ko ang libro niya ng mga tula sa dumaguete salahat pa ng lugar sa pilipinas, nakatiwangwang sa sahig kasama ang ibang librong malaki ang bawas sa presyo noong 2000. natangahan ako sa may-ari ng restawran kung saan ko ito natagpuan dahil di niya alam ang halaga ng koleksiyon na ito. pero mabuti na lang din, kundi mataas siguro ang presyo nito at di ko nakuha ng mura. kaya kung may mabuting kinalabasan ang tag-init na palihan ng taon kong iyon sa dumaguete, isa ito doon.
*
kakarinig ko lang din nito noong isang gabi nang kinanta ni susan fernandez ang bersyong kanta nito. ang galing. nasa eve-olution concert ako noon at nakakatuwang marinig siya sa entablado, matapos magwala ang ilang mga walang katuturang bandang puro lalaki ang tumutugtog (na di namin mawari kung bakit naroon dahil selebrasyon ng kababaihan ang gabing iyon).
nakakatuwa. nakakatuwa ring maobserbahan siya sa backstage at ang anak niyang musikero din na tumutugtog sa brigada. mag-inang musikero, tugtugan ang koneksyon. nakakaaliw. at nakakainggit.
minsan kong pinangarap na matutong maggitara. magaling maggitara ang tatay ko at lumaki akong pinakikinggan ang mga kantang tinutugtog niya at pinakikinggan. pero tuwing hihikayatin ko siyang turuan akong tumugtog, ang sagot niya sa akin lagi ay "ayan ang isa pang gitara at chordbook, aralin mo!" naturalmente, hindi ko nagawa iyon. nais ko kasi ng may magtuturo sa akin. hindi pala siya iyon.
kaya sa ibang tao ako nagpaturo. pero ibang instrumento nga lang. tambol. pero ibang kuwento naman iyon.
*
sa usaping gitara, naalala ko lang noong isang linggo dahil napagitna ako sa dalawang gitarista isang gabi. bihira mangyari ito kaya parang kakaiba yung pangyayari sa akin. yung mas nakatatanda sa kanila ay napipikon na sa bandang naririnig naming tumutugtog sa kabila. paulit-ulit niyang sinasabing "it's just the same chord progression!" tapos sasabihin isa-isa kung anong chord. sabi pa niya "ayan nangangati na ako!" sabi ko tuloy "wow, you're allergic to bad music?" sabi naman ng nakababatang gitarista sa kanya "alam mo ba yang kantang yan? pakinggan mo kasi yung lyrics." at medyo paulit-ulit ng kaunti ang ganitong usapan.
sabi ng isa kong kaibigang musikero din, ganoon lang daw talaga silang mga musikero; di maiwasang magkomento ng mga ganoon dahil sensitibo sila sa musika. sabagay, kung may di magandang pelikula naman, ngumingiwi rin ako na parang babolgam na nawawalan na ng tamis. kaya parang naintindihan ko na ang sinasabi niya.
ang maganda sa nakatatandang gitarista ay naaalala niya kung sino ako, di tulad ng isa pang musikerodaw diyan sa tabi-tabi na sampung beses na kaming pinakikilala sa buhay na ito ay di niya maalala ang pangalan ko -- hanggang sa nakita niya akong kasama ang isang kaibigan kong kaibigan niya rin, at nagsimulang mang-intriga sa kaibigan naming iyon nang walang katuturan (hay, sadyang ganyan yata ang kapalaran ng isang lesbiyana na mapatabi lang sa isang matalik na kaibigang babae ay pag-iisipan na ng masama ng iba at iisiping may relasyon kayo ng babaeng katabi mo, kahit wala naman). kaya di ko na siya pinapansin ngayon dahil tulad ng sa hunghang, wala akong pasensiya sa mga intrigera.
batid ko nga sa kaibigan kong kaibigan niya rin, ang mga intrigera ang may pinakamaraming tinatagong lihim/baho sa pagkatao kaya mas inuurirat nila ang buhay ng may buhay kesa sa atupagin ang buhay nila. kaya ang teorya ko ay lesbiyana siguro itong intrigera -- na kung di may pagnanasa sa akin ay may pagnanasa sa kaibigan kong kaibigan niya rin. pero talo siya sa parehong aspeto dahil (1) di ko siya papatulan kahit siya pa man ang huling babae sa balat ng lupa matapos dumaan ang isang delubyo at kami lang ang nabuhay at (2) di pumapatol sa babae ang kaibigan kong kaibigan niya rin.
kaya para siyang isang mekong country. laos.
*
sa muling pagtalon-talon sa mga babasahin, nakita kong ang isang nilalang naman na lagi nilang sinasabing may pagnanasa sa akin ay tila may pagtingin na sa isa pang nilalang. mabuti naman dahil kung lagi lang siyang nakatanaw sa aking kinaroroonan ay pareho kaming walang patutunguhan. di kasi ako naghahanap ng relasyon at kahit anong pilit ko ay di ako magkakagusto sa may gusto sa akin kung di ko sila gusto. mabuti't masaya na siya ngayon.
ang di ko lang gusto ay ang pagpaparamdam pa ng isang nilalang na katulad nito. nagkukunwaring kaibigan pero pagtalikod ko ay nais palang saksakin ang mga babaeng natitipuhan ko para siguro mapasakanya ako. napakababaw na nilalang at masyadong manlilinlang kaya ayoko nang madikit pa samga kinabibilangan niya. matapobre siyang tao at tulad ng hunghang at intrigera, wala akong pasensiya sa mga taong matapobre.
*
at bilang panghuli, nagpabiktima na naman ako sa isa sa mga ito.
1.Pano pag mahal ka ng taong mahal mo?
- e di happiness!
2.Pag di ka mahal ng taong mahal mo?
- e di sadness!
3.Pag iniwan ka ng taong mahal mo dahil di ka na niya mahal?
- e di tanga siya!
4.Pag iniwan ka ng taong mahal mo kahit na mahal ka pa niya?
- e di alam kong totoo ang nararamdaman niya para sa akin dahil sakripisyong tunay at wagas ang gawaing ito
5.Pag iniwan mo yung taong mahal mo dahil sa ibang bagay kahit na mahal mo pa siya?
- sana ay maunawaan niya kung bakit ko ginagawa iyon at huwag niyang iangkla sa pagsasama namin dahil di naman iyon ang dahilan. bagkus nais ko siyang protektahan kaya ako lumalayo at sana ay mapatawad niya ako sa ginawa kong iyon.
6.Pag iniwan ka ng taong mahal mo dahil may mahal siyang iba?
- ay puta siya. lintik lang ang walang karmic retribution.
7.Pag inagaw siya sayo ng iba?
- buwisit silang dalawa. muli, lintik lang ang walang karmic retribution.
8.Pag napunta sa iba yung mahal mo kahit na ikaw ang mahal niya?
- baka kailanang pagnilay-nilayan kung talagang mahal niya ako dahil bakit di niya mapanindigang sumama sa akin kung ako daw ang mahal niya. sa madaling salita, bomalabas sha.
9. Pag pinagpalit ka ng mahal mo sa taong hindi niya mahal?
- itatanong ko kung bakit ko siya minahal in the first place
10.Pag ginamit ka lang ng taong mahal mo
- kung mindblowing sex naman ang namagitan sa amin e di ayos lang. ginamit ko na rin sha. devah?
No comments:
Post a Comment