15 April 2012

ngayon


Mag-iisang linggo na pala ngayon mula nang huli kitang masilayan, irog. Pitong araw ngayon nang huli kitang mahawakan. Mamayang gabi, mag-iisang linggo na mula nang huling dumampi ang mga labi ko sa pisngi mo, ang mga labi kong nais sanang dampian ng pabaong pagmamahal ang iyong mga labi rin, nguni't hindi pupuwede, hindi maaari, noong pagkakataong iyon. Umalis ka sa piling ko nang walang anumang hagod na tayong dalawa lamang ang nakakaalam, ang nakakaramdam, ang nakakaunawa, mahal. Wala.


Mainit ang araw na ito. Naaalala mo pa ba? Ganito rin nang umalis ka sa piling namin. Matingkad ang araw, tirik, pero naghahabol ka ng iyong mga naiwanang gawain. Tangan mo rin ako, kami, nang ika'y naghabol pa ng iba pang gawain kaakibat ng iyong responsibilidad bilang isang nilalang sa iba pang nilalang. Habulan. Iyan ang ginawa mo, ko, natin, sa mga oras na tila di mapakaling
tumakbo nang di man lang tayo hinahayaang makahabol, kahit isa, dalawa, tatlong segundo, para lamang magkaroon tayo ng pagkakataong magkaroon ng ilang pribadong panahon, na tayong dalawa lamang sana ang aalala kapag lumisan ka na.


Pero di ito reklamo, di ito pagsusumamo, at di ito pagsisisi. Ito ang napili ng ating mga puso, at ito ang naramdamang gawin ng ating mga kaluluwa. Di na natin alintana ang sinasabi pa ng ating mga utak, at mas pinakinggan
nating mabuti ang pinagsamang daing-hiling ng ating mga katawan. Kaya nangyari na ang mga pangyayari, naganap na ang mga kaganapan, at nairaos na ang mga pinagdausan.


Isang linggo na pala ngayon. Wala naman, iniisip ko lang, tinatam
asa ko lang, inaalala ko lang. Dahil sa liwanag ng araw na nasisilayan ko ngayon, dito sa munti kong sulok sa mundong ito, marahil ay nagliwanag din ang pag-iisip ko sa mga naganap sa nakaraan. Marahil ay may hinanap ang balat ko sa paggising sa umagang ito. Marahil ay may naramdaman ang kaloob-looban ko na kailangan kong maramdaman sa pagdilat ko sa araw na ito.


At iyon na nga, naalala ko ngayon, ang mga naganap noon. Isang linggo na ngayon, irog. Isang linggo. Hindi, hindi rin ako nagbibilang. Hindi rin ako nagsisisi. Bagkus, mas naghihintay ako, mas nananabik, mas umaasam. At laking liwanag na naramdaman ng aking pagkatao nang marinig ko ang pamilyar na tunog na napapadalas kong marinig sa mga umagang lumilipas, ang tunog ng teknolohiyang nagpapasalamat ako at naimbento dahil nakakapagpalapit ito, kahit papaano, sa mga sandaling pagkawalay nating dalawa.

At sinabi mong "Good morning sa iyo, asawa ko. Kung alam mo lang ga
no kita kamahal."


Kung alam mo lang rin kung gaano rin kita kamahal. Ka
ya heto ang ilang ebidensiya nun, sa mga salitang ito, sa mga katagang narito, na kanina lamang ay nasa loob lang ng utak ko, ng puso ko, ng kaluluwa ko. Sinagot ko ang bati mo, sabi ko'y magandang umaga rin, at ramdam ko ang sinabi mo, at alam na alam ko iyon, at nang ika'y nagpadala ng elektronikong mensahe, noong segundo na iyon mismo -- ngayon -- ika'y iniisip ko. Lagi naman, e. Lagi.


Magandang umaga. Sana'y maganda ang araw mo ngayon, kasing ganda ng araw ko ngayon, dahil alam kong nariyan ka, para sa akin, nagmamahal. Ngayon, at sa darating pang mga araw, na kapag tumambad na sa harapan ko, ay tatawagin ko ring ngayon.

Ngayon.

No comments:

Post a Comment